Advertisers
ISA nang ganap na batas ang panukalang nagdedeklara sa May 16 kada taon bilang National Education Support Personnel Day.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12178 kung saan magiging special working holiday ang May 16 kada taon para sa lahat ng teaching and non-teaching personnel sa pampubliko at pribadong paaralan, kolehiyo, unibersidad at iba pang educational institutions.
Inaatasan naman ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na pangunahan ang implementasyon ng taunang programa.
Pirmado na rin ni Marcos ang batas na nagbibigay ng libreng legal assistance sa mga miyembro ng militar at uniformed personnel na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa kanilang tungkulin.
Batay sa Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act, saklaw nito ang mga miyembro ng AFP, PNP, BFP, BJMP, PCG, BuCor, at NAMRIA.
Samantala, nilagdaan din ni Marcos ang bill na nagsusulong ng modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Nabatid na layon ng Republic Act No. 12180 o mas kilala bilang PHIVOLCS Modernization Act na pagkalooban ang ahensya ng state-of-the-art equipment, highly trained personnel, at mas marami pang seismic stations upang epektibo nitong magagampanan ang kanilang mandato. (Gilbert Perdez)