Advertisers
NAGBABALA sa publiko ang National Privacy Commission (NPC) laban sa pagbibigay ng personal na impormasyon o datos ngayong panahon ng eleksyon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Atty. Aubin Nieva, Data Security and Compliance Office Director ng NPC, na sila ang nagsisilbing data privacy watchdog ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Nieves na ang Data Privacy Act of 2012 ay naglalaman ng mga importanteng probisyon para magabayan ang mga botante sa pagbibigay ng kanilang personal information.
Aniya, ang pinakaimportanteng mga probisyon na ito ay kinabibilangan ng principles of transparency, legitimate purpose at proportionality.
Mahalaga aniya na malaman sa mga kumokolekta ng datos kung saan ito gagamitin, sino ang gagamit, para saan at sinu-sino ang may access sa mga impormasyon na ito.
Isiniwalat ni Nieva na may mga kinukuhanan ng ID at pinapalista kung saan hindi nila alam na na-scam na pala sila at nakuha na ng iba ang ayudang para sa kanila.
Samantala, ipinunto ni Nieva na kasama rin sa mandato ng komisyon ang pagtiyak na mayroong organizational at technical measure ang isang organisasyon para maprotektahan ang mga datos habang sa kanila rin inilalapit ang mga nangyayaring paglabag sa personal data privacy. (Gilbert Perdez)