Advertisers
Tila wala na sa hulog nang buong yabang na nagdeklara si Isko Moreno sa isang entablado na ang una daw niyang ireregalo sa mga taga-Maynila ay ang pagtanggal kay Dr. Poks Pangan, ang hepe ng Manila Health Department na asawa ni Mayor Honey Lacuna.
Sana bago siya magsalita ng mga ganitong uri ng bagay, manalo muna siya. Ni hindi ka pa nananalo, may kayabangan ka na. At bakit, gusto rin ba ni Dok Poks na maglingkod sa kanya? Higit sa lahat, nakakatiyak na ba siyang mananalo nga siya? Marahil ay nakalimutan ni Isko na isa lamang siyang kandidato. Ni hindi siya ang nakaupong mayor kaya sana, ‘wag maging arogante.
Baka naman ang pinagbabasehan niya ay ang mga survey kuno na parang kabuteng nagsusulputan sa mga fake at troll accounts kung saan palagiang milya-milya ang kanyang lamang sa kanyang mga kalaban, kasama na siyempre pa, si Mayor Honey.
Eto lang naman ang aking munting obserbasyon. Kung matatandaan ninyo, tumakbo si Isko sa pagka-Presidente ng Pilipinas noong 2022.
Sa buong campaign period nang mga panahong iyon, sandamakmak din ang mga surveys na naglalabasan sa social media na laging si Isko ang nangunguna. Milya-milya din ang ipinakikitang lamang niya sa mga kalaban na sina Leni Robredo, Manny Pacquiao at Bongbong Marcos, Jr.
Ang ending, ultimo sa Maynila ay ni hindi nagawang talunin ni Isko si Marcos, Jr. Nanalo si BBM hindi lang sa buong Pilipinas kundi maging sa Maynila na inaasahang balwarte ni Isko. Hindi ko na kailangan pang patunayan ‘yan dahil si BBM ang Pangulo natin sa ngayon.
‘Yung mga survey firms kuno na nagsipaglabas ng mga survey na kulelat lagi si BBM bago mangyari ang 2022 elections at kung saan laging nangunguna si Isko, sila-sila rin ang naglalabas ngayon ng mga survey na kulelat naman si Mayor Honey at nangunguna daw si Isko.
Nung nakaraang Presidential election, ubod din ng ingay si Isko. Lahat ng kalaban siniraan, binanatan. Pati si Robredo na babae, di pinatawad. Pinakamatindi ang mga naging birada niya kina Duterte at BBM.
Eto na naman siya. Wala na naman siyang pinagkaabalahan kundi bakbakan si Mayor Honey at pati pamilya nito. ‘Yung ibang kalaban sa pagka-mayor, binibira din niya pero ang paborito niya ay si Mayor Honey, bagay na nangangahulugan lamang na si Mayor Honey ang pinakamatindi niyang katunggali.
‘Yung mga style niya na di umubra nuong 2022, ‘yun din ulit ang ginagamit niya ngayon.
Sa nangyaring pagkatalo niya noong Presidential election, dapat sana ay natuto na si Isko.
Maliwanag na hindi umubra ang style na paungos sa mga survey kuno at gayundin, ang walang patumanggang paninira sa kalaban at kawalan ng pakialam kahit pa babae ito. Kasama ‘yan sa mga ikinatalo niya pero heto at inuulit lang niya lahat ng mga pagkakamaling iyon
Ako ay naniniwala na ‘history repeats itself’. Ibig sabihin, ang mga nangyari noon ay maaring maulit o nauulit muli. Abangan na lang natin…