Advertisers

Advertisers

Fake FB account gamit sa kampanya…LIMAY EX-MAYOR INIREKLAMO SA COMELEC

0 3

Advertisers

PORMAL na sinampahan ng reklamong ‘election offense’ sa Commission on Elections (COMELEC) si dating Limay, Bataan, mayor, Lilvil ‘Ver’ Roque dahil sa patuloy na paggamit ng ‘fake account’ sa social media na hindi rin rehistrado sa COMELEC.

Sa 15-pahinang reklamong isinampa sa COMELEC main office sa Maynila nitong Abril 22, inireklamo ni Raymond dela Fuente, residente at botante ng Limay, si Roque nang paglabag sa Comelec Resolution 11064, na gumagabay sa kampanya gamit ang social media at RA 9006 (Fair Election Act).

Anang reklamo, ang ginagawa ni Roque ay malinaw na paghamak sa kapangyarihan ng COMELEC at direktang paglabag sa mga alituntunin para sa patas at malinis na halalan.



Muling nagtangkang makabalik sa puwesto si Roque noong 2022 elections subalit tinambakan ng higit 9,000 boto ng nanalong si Mayor David Nelson.

Ani dela Fuente, bagaman natapos na ang pagrerehistro sa COMELEC ng mga social media accounts ng mga kandidato noong Disyembre 13, 2024 sang-ayon sa Resolution 11064, hindi pa rin inirehistro ni Roque ang Facebook account na ‘Bagong VERsyon.’

Sa halip, napiling irehistro ni Roque ang FB account na ‘Mayor Ver Roque.’

Noon pang Oktubre 2024, ibinulgar ni dela Fuente na ginagamit na ni Roque ang account na ‘Bagong VERsyon’ sa pangangampanya, anim na buwan bago pa nagsimula ang pormal na kampanya noong Marso 28.

Ang ‘Bagong VERsyon’ account din, aniya, ang aktibong ginagamit ng kampo ni Roque para sa sarili nitong propaganda bagaman isa itong fake account at hindi rehistrado sa COMELEC.



Ani dela Fuente, kapansin-pansin na aktibong nagpapasahan ng ‘content’ ang pekeng account at ang official account ni Roque na nagpapatunay na may kinalaman at may pagsang-ayon ni Roque ang buong operasyon.

Anang reklamo, marapat lang na agad umaksyon ang poll body at mabigyan ng karampatang parusa si Roque sa ginagawa nitong pag-abuso sa mga itinakdang regulasyon hinggil sa parehas at malinis na halalan.

Batay na rin sa Resolution 11064, hindi palalampasin ng COMELEC ang pang-aabuso sa nasabing resolusyon kung saan ‘motu propio’ ang gagawing pagsasampa ng kasong ‘election offense’ sa sino mang lumalabag dito.

Bukod sa pagtanggal sa pekeng account, nasa kapangyarihan din ng COMELEC na alisan ng karapatang makaboto at maiboto ang sino mang lalabag sa mga kautusan nito.