Advertisers

Advertisers

Carlo Aguilar, Nais Magtatag ng Local Pension Fund para sa mga Senior Citizen ng Las Piñas

0 4

Advertisers

Iminumungkahi ni Carlo Aguilar, kandidato sa pagka-alkalde ng Las Piñas City, ang paglikha ng isang Local Pension Fund na magbibigay ng buwanang tulong pinansyal sa mga senior citizen ng lungsod. Layunin ng inisyatibong ito na maibsan ang araw-araw na pasanin ng libu-libong matatanda na umaasa lamang sa limitadong tulong mula sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan, tinatayang 11,000 lamang sa mga senior citizen ng Las Piñas ang tumatanggap ng ₱1,000 buwanang social pension mula sa pambansang pamahalaan. Nilalayon ng mungkahing local pension fund ni Aguilar na palawakin ang saklaw ng tulong para umabot sa tinatayang 60,000 senior citizen sa lungsod. Magsisimula ito sa mga pinaka-nangangailangan—yaong mga walang pensiyon mula sa SSS o GSIS.



“Walang lolo o lola ang dapat maiwan. Hindi dapat pinipilit ng ating mga nakatatanda na mamili kung gamot o pagkain ang uunahin, lalo na’t hindi sapat ang isang libo sa panahon ngayon,” ayon kay Aguilar. “Buong buhay silang nagtrabaho, nagtaguyod ng pamilya, at nag-ambag sa pag-unlad ng ating lungsod. Panahon na para suklian natin ito sa makabuluhang paraan.”

Ayon kay Aguilar, ang magiging halaga ng buwanang pensiyon ay tutukuyin sa pamamagitan ng masusing konsultasyon sa mga samahan ng senior citizen at iba pang sektor. Ipinaliwanag din niya na maisasakatuparan ang pondo sa pamamagitan ng pag-aayos ng badyet, pakikipagtulungan sa pribadong sektor, at pag-alis ng mga hindi kinakailangang gastusin sa pamahalaan.

“Kailangang repasuhin ang kasalukuyang paggastos ng lungsod upang matukoy kung aling bahagi ang maaaring ilipat para pondohan ang pensiyon. Bahagi rin ng plano ang paglapit sa mga corporate social responsibility (CSR) programs ng malalaking kumpanya,” dagdag pa niya.

Ang mungkahing ito ay kaakibat ng mga pambansang pagsisikap na palakasin ang suporta para sa mga nakatatanda. Sa Kongreso, may nakabinbing panukala—House Bill No. 10423—na naglalayong magkaroon ng universal social pensionpara sa lahat ng Pilipinong senior citizen, anuman ang kanilang estado sa buhay. Habang hindi pa ito naipapasa, nilalayon ng lokal na inisyatiba ni Aguilar na agad matugunan ang pangangailangan ng mga matatanda sa Las Piñas.

Nang tanungin kung bakit niya itinutulak ang programang ito, sinabi ni Aguilar: “Hindi lang ito tungkol sa mga numero. Ito ay tungkol sa pagpapahalaga. Kung kaya nating mamuhunan sa mga gusali at imprastruktura, mas lalo dapat tayong mamuhunan sa dignidad ng tao—lalo na sa ating mga senior citizen na malaki ang naiambag sa ating lungsod.”



Aminado si Aguilar na kakailanganin ng maingat na pagpaplano at pagba-budget upang maipatupad ang programa sa buong lungsod, ngunit nananatili siyang positibo na ito ay maisasakatuparan. Kasama ang kanyang katandem na si Louie Bustamante, na tumatakbo bilang bise alkalde, buo ang paniniwala nilang posible ito. Anila, “Karapat-dapat ang ating mga senior citizen sa isang pamahalaan na inuuna ang kanilang kapakanan.”

“Sa Bagong Las Piñas, lahat ng tao magkasama, walang iwanan!” pahayag nina Aguilar at Bustamante.