Advertisers
Nakatakdang dalhin ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang powerhouse Senate slate na iniendorso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang buong puwersa ng kampanya nito sa Pangasinan ngayong Biyernes (Abril 25), bilang pagpapasigla sa “Solid North” sa ika-apat na probinsiya na may pinakamaraming botante sa buong bansa.
May mahigit 2.15 milyong rehistradong botante ang Pangasinan, kabilang na ang component city ng Dagupan, at nakapagtala rito ng 87.18% turnout noong 2022, kaya’t nananatili itong isa sa mga pinakamahalagang lalawigan tuwing halalan.
Ang probinsiya ay nagbigay ng 1.29 milyong boto para kay Pangulong Marcos noong 2022 elections o higit limang beses kaysa sa nakuha ng kanyang pinakamalapit na karibal.
Ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Alyansa, ang kanilang lakad sa Pangasinan ay malinaw na indikasyon ng layunin ng koalisyon na patatagin ang suporta sa gitna ng Hilagang Luzon.
“Hindi lang basta vote-rich province ang Pangasinan, isa ito sa mga lugar na tumitiyak kung sino ang mananalo sa national elections. Narito ang Alyansa para makinig, makipag-ugnayan, at maghatid ng konkretong solusyon,” ani Tiangco.
Binubuo ng Alyansa ticket ng matitibay na pangalan sa serbisyo-publiko at karanasan at ito’y kinabibilangan nina dating Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Sen. Ramon “Bong” Revilla, Sen. Pia Cayetano, dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Lito Lapid, dating Sen. Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, dating Department of Social Welfare and Development Sec. at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, at House Deputy Speaker Camille Villar.
Inaasahang tatalakayin ng Alyansa sa Pangasinan ang mga isyung malapit sa puso ng mga taga-probinsiya gaya ng agrikultura, pangingisda, flood control, kalusugan, at trabaho, na mga usapin na kritikal upang mapanatili ang pag-unlad at kabuhayan sa lalawigan.
Binigyang-diin ni Tiangco na ang legislative agenda ng Alyansa ay nakatutok sa pagpapaunlad ng imprastraktura, turismo, at agrikultura, lalo na sa mga lalawigang gaya ng Pangasinan na may importanteng papel pagdating sa seguridad sa pagkain at kalakalan ng bansa.
“Haligi ang Pangasinan ng Solid North. Narito kami para tiyaking mararamdaman ng bawat Pangasinense ang bunga ng pag-unlad sa kabuhayan, kalusugan, at mas maayos na kinabukasan,” ani Tiangco.
Ang campaign stop sa Pangasinan ay parte ng estratehiya ng Alyansa na probi-probinsiya kung saan layunin nitong makipag-ugnayan sa mga botante at paigtingin ang suporta para sa kanilang iisang panawagan para sa katatagan, pag-unlad, at maayos na pamahalaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.