Advertisers
Sugatan ang isang supporter ng kumakandidatong mayor sa bayan ng Claveria sa Masbate nang barilin umano ng isang pulis na nagsisilbing bodyguard ni “Mayor Fro Ande” habang nangangampanya sa Brgy. Peñafrancia ng ilang bayan nitong nakalipas na Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Aladin Minggoy, 38-anyos, at mangingisda.
Patuloy na nilalapatan ng lunas sa hindi binanggit na ospital ang biktima dahil sa isang tama ng punglo sa tiyan na tumagos sa likod.
Sa ulat, 9:00 ng umaga katatapos lang kumain ng grupo ng mayoralty candidate na si Karen Marpuri Ballesteros kasama si Minggoy at iba pang supporter sa bahay ni Brgy. Kagawad Bonbon Amparo nang dumating umano ang grupo ng alkalde.
Isa sa kasama ng alkalde na sinasabing bodyguard na pulis ang bumunot ng mahabang uri ng baril na nakalagay sa sako pero sumabit sa duyan kaya agad na nakatakbo si Ballesteros at nakalapit sa bahay.
Sinabi ni Ballesteros na binaril pa ng suspek ang bahay na pinagtaguan ng biktima kaya umabot ng halos tatlong oras na hindi siya nakalabas.
Dahil dito nagtalo umano si Minggoy at ang suspek dahilan para bumunot muli ng kalibre 45 na baril saka pinutukan ang una sa tiyan na mabilis isinugod sa pagamutan makaraan umalis ang grupo ng alkalde. Narekober ng mga rumespondeng pulis sa lugar ng insidente ng dalawang basyo ng bala kalibre 45.
Ang asawa ni Mayor Ande ang tumatakbo ngayong alkalde sa bahay na kalaban si Ballesteros.
Kinumpirma naman ni PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon na may dalawang pulis na umano sa lugar nang mangyari ang insidente na nagsasagawa ng anti-illegal gambling operation.