Advertisers
SA KAMPANYA, tampok na mensahe ni Sonny Trillanes laban sa katunggaling Along Malapitan, akasalukuyang alkalde ng Caloocan City: lubog sa korapsyon ang siyudad at ito ang dahilan kung bakit salat ang siyudad sa makabuluhang serbisyo publiko.
Lihis ang liderato ni Malapitan sa mga pangangailangan ng siyudad. Inuna ni Along ang pagtayo ng mga gusaling hindi kailangan at pagkukulay sa siyudad ng orange, imbes ang pagbibigay ng totoong serbisyo na kailangan ng mga mamamayan sa kalusugan, edukasyon, kapayapaan at kaayusan, at iba pa.
Wala kasi silang kikitain sa serbisyo publiko. Mas sigurado ang kupit sa paggawa ng mga gusali; hindi ito ordinaryong kupit na kadalasan ay maliit. Sa bawat gusali, tumatakbo ang kupit sa daan-daang milyon piso. Siempre, iba ang prayoridad ni Along. Mas uunahin niya ito.
Pilit na inililihim sa siyudad ang tiwaling gawain ni Along at mga kasama. Pinagkatago-tago ang korapsyon na hindi nila maipaliwanag hanggang ngayon sa bayan. Mabuti na lang mayroon itinadhana ang Saligang Batas tungkol sa Commission on Audit (CoA) upang suriin kung ayon sa batas ang bawat transaksyon. Ito ang unang batayan sa korapsyon sa siyudad.
Ayon sa Executive Summary ng 2023 Annual Audit Report (AAR) ng Caloocan City (wala pa ang para sa 2024) may mga natuklasan ang COA:
– paglaki ng utang at iba pa (liabilities) na abot sa P2.3 bilyon;
– paglaki ng gastos (expenses) ng P1.75 bilyon;
– pagbaba ng kabuuang kita (net income) na abot sa P991 milyon;
– hindi pagtutugma sa balanse ng cash sa bangko (inaccurate balances of cash in Bank) na abot P8.3 bilyon;
– hindi mapagkakatiwalaang halaga ng inventory na abot sa P846 milyon;
– hindi mapagkakatiwalaang halaga na abot P12.6 bilyon sa property, plant, and equipment, at construction in progress na abot sa P687 milyon; at
– hindi na naayos na CoA suspension na abot sa P26.3 milyon; at disallowances na abot sa P72 milyon.
Hindi ganap na nasusuri ang detalye ng mga nakalipas na transaksyon sa siyudad. Marapat ang umpisahan ito ng susunod na administrasyon. Marapat na ipaliwanag ito ni Along Malapitan sa CoA at kung pumalpak siya sa paliwanag, harapin niya ang Office of the Ombudsman.
Marami pang lalabas sa susunod na araw lalo na kung mahahalal si Sonny Trillanes bilang kapalit ni Along Malapitan bilang alkalde ng Caloocan City. Hindi niya ito uupuan at makakasiguro ang bayan na mananagot ang dapat managot sa malawakang korapsyon.
***
TAMPOK ang pag-endorso ni Misfit Sara sa kandidatura ni Manang Imee Marcos at Camille Villar sa pagka-senador sa May 12. Opisyal ang endorsement at may pahayag ng walang kamatayang suporta si Misfit Sara sa dalawang kandidato sana ng administrasyon na pawang nanganganib na matatalo. Nais nilang manalo kahit paano sa halalan.
Pero may malaking isyu tungkol sa impeachment trial ni Misfit Sara na uumpisahan sa ika-30 ng Hulyo, ayon kay Tsis Escudero. Bubuuin ang Senado bilang impeachment court at lilitisin si Misfit Sara kaugnay sa mga paratang na nilabag niya ang tiwala ng sambayanan dahil sa hindi niya naipaliwanag na pagkawala ng P612 milyon na confidential fund na ipinagkatiwala sa kanya bilang pangalawang pangulo at kalihim ng Deped.
Kung sakaling mananalo si Manang Imee at Camille bilang senador (hindi kami naniniwala), may pangamba na hindi magagampanan ni Manang Imee at Camille ng kanilang tungkulin bilang malaya at walang kinikilingan na mga hukom-senador na lilitis kay Misfit Sara. May utang na loob sila kay Misfit Sara at ito ang dahilan upang ipawalang sala ng dalawa ang anak ni Gongdi. Malalim ang utang na loob, para sa amin.
Mistulang kalabaw na may tali sa ilong si Manang Imee, o Babs, at Camille. Sunod-sunuran sila sa bawat nais ni Misfit Sara. Hindi namin nakikita sa kanila ang kahihiyan upang hindi sumali sa Senado bilang hukuman. Sasali silang pilit at maraming dahilan na walang katuturan ang sasabihin nila sa bayan. Wala sa kanilang bokabularyo ang salitang delicadeza.
***
ISA kami sa mga nakikidalamhati sa pagkamatay ng Santo Papa Francisco. Hindi maipagkakaila ang kanyang kontribusyon sa mga Simbahang Romana Catolica at sangkatauhan ng iba’t-ibang pananampalataya. Isa siyang tunay na lingkod ng Diyos. Wala kaming masabi. Nararamdaman namin ang lungkot.
***
MGA PILING SALITA: “Hindi pa ipinanganak ang tatalo kay Rody Duterte. – Baste Duterte
“Mga DDS, huwag makiiyak kay Pope (na minura ng Tatay Digong ninyo). Kung hindi ninyo gets mga EJK at nagkakalat pa kayo ng kasinungalingan, huwag nakikidalamhati sa pagkamatay ng Santo Papa.” – Ma’am Syj, netizen, guro, kritiko