Advertisers
TIWALA si dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares na mapapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kasong impeachment complaint na isinampa laban dito.
Ito ang inihayag ni Colmenares sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay na malakas ang kasong isinampa at inihain nila laban sa ikalawang Pangulo kung kaya’t sinuportahan ito ng mga mambabatas mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Tinukoy pa ni Colmenares na halos limang buwan ay wala pa rin naibibigay na paliwanag ang tanggapan ng ikalawang Pangulo kung papaano nalustay ang P125 bilyong intelligence funds sa loob lamang ng labing-isang araw.
Paglilinaw pa ni Colmenares na hindi rin malinaw o maliwanag ang naging paliwanag ng kampo ng ikalawang pangulo sa mga naging pagdinig ng Kamara ukol sa isyu.
Tiniyak pa ni Colmenares na mayroon silang sapat na ebidensiya upang patunayan na nagkaroon ng pag-aabuso sa kapangyarihan sa paglustay ng pera ng bayan.
Handa rin si Colmenares na maging bahagi ng 11-man team prosecutor panel kung itatalaga siya ng house speaker upang sa ganoon ay higit niyang madepensa ang reklamo laban sa bise presidente.
Magugunitang minsan na rin naging bahagi ng prosecutor team si Colmenares noong impeachment trial laban kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Kaugnay nito, aminado si Colmenares na inupuan lamang ng Senado ang inihaing reklamo laban sa bise upang hindi maapektuhan ang kandidatura ng mga re-eleksyunistang mga senador.
Naniniwala si Colmenares na maari naman sanang bigyang pansin ng mga senador ang impeachment complaint kung gugustuhin dahil may natitira pa namang 12 senador na maaaring umaksyon.