Advertisers

Advertisers

Admin ni Mayor Honey may pinakamaraming lupang naipamigay sa mga landless Manileños

0 5

Advertisers

SINIRA ng administrasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna ang record ng mga naging alkalde ng lungsod bago siya naupo, bilang mayor na may pinakamaraming lote o lupang naipamigay sa mga landless Manileños na ilang dekada ng nag-i-squat.

Nabatid base sa records ng Manila Urban Settlements Office (MUSO) sa pamumuno ni Atty. Dave de Guzman, na ang administration ni Lacuna ang nakapamahagi na ng titulo ng lupa sa halos 800 awardees sa ilalim ng “Land for the Landless Program (LLP)”, simula ng maupo ang alkalde bilang mayor noong 2022.

Ayon pa kay De Guzman, sa kasalukuyan ay may kabuuang 775 LLP awardees, na pinakamataas na bilang simula pa noong 1988 o sa nakalipas na mahigit na tatlong dekada.



Ang sumunod na may pinakamaraming naipamahaging lupa ay sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Alfredo S. Lim.

Sinabi ni Lacuna na nais niyang ituloy ang LLP na kanyang sinimulan noong 2022, dahil layunin niyang pagkalooban ng opurtunidad ang mas maraming pamilya na mag-may-ari ng lupa o lote na kinatitirikan ng kanilang bahay, para maalis na ang takot sa kanilang isipan na anumang oras ay pwede silang paalisin ng may-ari ng lupa.

Binigyang direktiba na ng lady mayor si Atty. De Guzman na ipagpatuloy ang pagtugon sa backlog ng lungsod pagdating sa housing, kasabay ito ng kanyang pag-anunsyo na mas marami pang mga residente ng Maynila ang makakatanggap ng titulo ng lupa sa mga darating na araw.

“Sa kabila ng dagok na kinahaharap ng ating lungsod pagdating sa budget, ang MUSO po ay patuloy na nagtatrabaho nang todo upang matugunan ang ating housing backlog.,” sabi ni Lacuna kasabay din ng kanyang kahilingan sa mga residente ng pang-unawa at patuloy na suporta para sa katuparan ng mga programa ng kanyang administrasyon.

“Gaya ng lagi kong sinasabi, patuloy po nating isinusulong ang programang ito upang mas maraming Manileño ang magkaroon ng seguridad sa paninirahan,” pagtitiyak nito.



Sa ilalim ng LLP, ang mga residente ng Maynila na nakatira sa isang bahay kung saan hindi nila pagma-may-ari ang lupa ay mabibigyan ng pagkakataon na siyang mag-may-ari ng nasabing lupa. (ANDI GARCIA)