TRABAHO Partylist, nananawagan ng paglikha ng mga sustainable at maayos na pasahod na trabaho sa mga probinsya sa gitna ng lumalalang trapiko sa Metro Manila
Advertisers
Nanawagan ang TRABAHO Partylist para sa paglikha ng mga sustainable at may maayos na pasahod na trabaho sa mga probinsya bilang tugon sa patuloy na problema ng matinding trapiko sa Metro Manila.
Ibinahagi ng grupo ang panawagan kasunod ng obserbasyon nitong Semana Santa, kung saan bumaba ang bilang ng mga sasakyan sa lansangan, isang patunay sa tindi ng karaniwang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.
Sa ulat noong 2024, itinuring ang Metro Manila bilang isa sa pinaka-matrapik na lungsod sa buong mundo, kung saan umaabot sa 127 oras kada taon ang ginugugol ng mga motorista sa trapiko, katumbas ng halos limang araw.
Sa oras ng rush hour, naitala rin ang karaniwang bilis ng mga sasakyan sa 13 kilometro kada oras.
Ayon kay Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, mahalagang paigtingin ang desentralisasyon ng mga oportunidad pang-ekonomiya upang mabawasan ang pagsisikip sa urban na lugar.
Aniya, sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho sa mga lalawigan, mababawasan ang pag-asa ng mga mamamayan sa Metro Manila para sa hanapbuhay at matutulungan nitong maibsan ang araw-araw na dagsa ng mga sasakyan at komyuter.
Hinimok din ng partido ang pamahalaan na mamuhunan sa mga industriya sa rehiyon, palakasin ang imprastruktura, at magbigay ng insentibo sa mga negosyong magtatayo ng operasyon sa labas ng kabisera.
Layon ng mga hakbang na ito na magkaroon ng mas balanseng kaunlarang pang-ekonomiya at magbigay ng sapat na oportunidad sa mga Pilipino nang hindi na kinakailangang lumuwas pa ng Maynila.
Habang patuloy na humaharap sa problema sa trapiko ang Metro Manila, binibigyang-diin ng TRABAHO Partylist ang kahalagahan ng pagsugpo sa ugat ng urban congestion sa pamamagitan ng estratehikong desentralisasyon ng ekonomiya at paglikha ng sustainable na trabaho sa mga probinsya.