Advertisers

Advertisers

Huwag matakot: Pope Francis kay Archbishop Soc nang banatan ukol sa EJKs

0 14

Advertisers

GINUNITA ni Dagupan-Lingayen Archbishop Socrates Villegas ang personal na payo ni Pope Francis sa gitna ng mga banta at batikos na kanyang hinarap dahil sa matibay niyang paninindigan laban sa extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag bilang pakikiramay sa pagpanaw ng Santo Papa, sinabi ni Villegas na pinayuhan siya ni Pope Francis na manatiling matatag sa kanyang tungkulin bilang pastol sa kabila ng matinding panggigipit mula sa gobyerno.

“When I was mocked and ridiculed and threatened by government authorities in my stand against the extrajudicial killings, he assured me and encouraged me personally in Rome to carry on my task of guiding the flock through my pastoral letters,” wika ni Villegas.



Kilala si Villegas bilang isa sa mga pinakamatapang na boses laban sa talamak na extrajudicial killings kaugnay ng war on drugs ng Duterte administration.

Bilang Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) noong 2017 at bilang Arsobispo ng Dagupan-Lingayen, naglabas siya ng ilang matitinding pahayag na mariing kumokondena sa mga pagpatay.

Sa isa niyang pastoral letter, nanawagan si Villegas sa mga simbahan na patunugin ang mga kampana sa loob ng 40 gabi bilang tanda ng pagluluksa at protesta.

“The relentless and bloody campaign against drugs that shows no sign of abating impels us, your bishops, to declare: In the name of God, stop the killings!” nakasaad sa sulat ni Villegas.

Umani ng matinding batikos ang liham ni Villegas mula kay dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na nagsabing kaya niyang “makipag-ugnayan sa Diyos nang hindi dumadaan sa kanila.”



Si Dela Rosa ang unang hepe ng PNP sa ilalim ng Duterte administration at nanguna sa pagpapatupad ng Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang–mga kampanyang inilunsad noon ng pamahalaan kasunod ng pangakong wawakasan ang ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Bilang senador, ilang ulit niyang ipinagtanggol ang drug war ni Duterte. Noong 2019, umani siya ng batikos matapos sabihing “shit happens” kaugnay ng pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na bata sa isang anti-drug operation.