Advertisers
Nagpahayag ng matinding kalungkutan si Senator Christopher “Bong” Go sa pagpanaw ni Pope Francis.
Pinarangalan ng senador ang yumaong Santo Papa bilang isang pandaigdigang simbolo ng kababaang-loob at gabay na liwanag para sa mga naglilingkod sa marginalized.
“May the gentle soul of the late Pope Francis rest in peace in the light of the Lord God. At bilang isang Katoliko rin po, ako po’y masyadong nalulungkot,” ani Go matapos ianunsyo ng Vatican ang pagkamatay ng Papa.
Nakiisa si Go sa pandaigdigang komunidad sa pagdadalamhati at hinimok ang mga Pilipino na kumuha ng mga inspirasyon sa buhay at mga turo ng yumaong Santo Papa.
“Kaisa po ako ng buong mundo sa pagluluksa dahil sa pagpanaw ni Pope Francis,” sabi ni Go, habang sinisimulan niya ang kanyang mensahe ng dalamhati at pagmumuni-muni.
Binigyang-diin niya ang malalim na pagmamahal ng mga Pilipino para sa Papa. “Mahal na mahal po siya ng mga Pilipino at ramdam natin ang kanyang pagmamahal sa atin.”
Inilarawan niya si Pope Francis bilang “isang malaking simbolo ng pagpapakumbaba at simpleng pamumuhay.
“Nakalulungkot na wala na siya sa mundong ito. Ngunit ang kanyang mga aral at kontribusyon sa ating pananampalataya ay habang buhay na mananatili sa ating puso’t isipan.”
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health at matagal nang tagapagtaguyod para sa mga mahihirap na Pilipino, binigyang-diin ni Go ang palaging panawagan ng Santo Papa na iangat ang mahihirap, maysakit, at walang tirahan.
“Ipinagtanggol niya ang mga marginalized na populasyon, partikular ang mahihirap at may sakit, pati na rin ang mga refugee at migrante sa buong mundo,” sabi ni Go.
Inilarawan din niya ang yumaong Santo Papa bilang isang simbolo ng kapayapaan at paglilingkod.
“Nawa’y maging inspirasyon sa ating lahat si Pope Francis para magtulungan, magmalasakit at magserbisyo sa kapwa natin Pilipino. Gaya ng parati kong sinasabi, ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.”
Mapayapang pumanaw si Pope Francis noong umaga ng Abril 21, 2025, sa edad na 88. Kinumpirma ng Holy See Press Office ang kanyang pagkamatay sa Casa Santa Marta, ang kanyang tirahan sa Vatican City, kung saan ginugol niya ang kanyang mga huling araw na napapaligiran ng malalapit na aide at medical staff.
Ipinanganak bilang si Jorge Mario Bergoglio sa Buenos Aires, Argentina, gumawa ng kasaysayan si Pope Francis noong 2013 bilang unang Jesuit at unang Latin American na Santo Papa.