Abalos muling nanawagan na alisin ang VAT sa kuryente, palawakin ang renewable energy sa gitna ng pagtaas ng singil sa kuryente
Advertisers
Habang nahaharap na naman ang pamilyang Pilipino sa panibagong pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Abril, muling nanawagan si dating DILG Secretary at senatorial candidate Benhur Abalos na alisin ang value-added tax (VAT) sa kuryente at petrolyong ginagamit sa power generation.
Sa isang panayam sa radyo, binigyang-diin ni Abalos ang agarang pangangailangan na tanggalin ang tinawag niyang “layered and excessive taxation” sa sektor ng enerhiya, habang nananatiling isa ang Pilipinas sa may pinakamahal na singil sa kuryente sa buong Timog-Silangang Asya.
“Due to this increase, it gets harder for ordinary families to keep the lights on,” ani Abalos. “Twenty years ago, when I was a congressman, electricity had no VAT. I opposed it then, and I’m standing by that position now.”
Ngayong Abril, nakaranas ng pagtaas sa power rate ang mga customer ng Meralco ng 72 sentimos kada kilowatt-hour, na may katumbas na dagdag sa buwanang bill na humigit-kumulang P145 para sa mga tahanang kumukonsumo ng 200 kWh.
Ayon kay Abalos, ang kasalukuyang sistema ng pagsingil sa enerhiya sa bansa ay punong-puno ng buwis mula sa bawat hakbang ng produksyon at distribusyon ng kuryente.
“You have 12% VAT on generation, 12% on distribution, 12% on transmission—and then there’s systems loss passed on to consumers. How can any country thrive like this?” ani Abalos.
Iginiit ni Abalos na ang mataas na halaga ng kuryente ay nagsisilbing hadlang para sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan, kaya’t marami ang lumilipat ng operasyon sa mga karatig-bansa na mas mababa ang singil sa kuryente.
“Maraming negosyo na umalis sa atin, pumunta sa ibang lugar dahil mas mura ang kuryente. Eh ang gagaling ng mga Pilipino, ng mga labor natin dito—very skilled,” aniya.
“We have world-class Filipino talent, but we’re losing jobs because it’s too expensive to operate here,” dagdag pa niya.
Panukala ni Abalos ang pag-alis ng VAT sa kuryente upang mapagaan ang pasanin ng mga konsyumer at mapasigla ang kompetisyon sa negosyo. “Ito na lang isipin natin, bakit tayo nagtatax? Para magkaroon ng pera ang gobyerno, let’s look at it na pwede nating bawasan ito, tanggalin ito. Siguradong dadami ang negosyo.”
Sinabi rin ni Abalos ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na ipinasa noong 2001 ay hindi natugunan ang mataas na electricity cost sa bansa – pangalawa sa pinakamataas sa Timog Silangan.
Pangako ni Abalos na maghahain siya ng panukalang batas upang alisin ang VAT sa kuryente at bawasan ang buwis sa petrolyo na ginagamit lamang sa power generation sakaling palarin sa Senado ngayong 2025. Aniya, nagsisimula na ang kanyang grupo sa pagbuo ng panukalang batas.
“This will be one of my first bills. Lowering energy costs will spur more businesses, more jobs, and better lives for Filipinos,” sabi ni Abalos.
Buo rin ang suporta ni Abalos sa pagpapalawak ng renewable energy sa bansa, lalo na’t malawak ang potensyal ng Pilipinas para dito.
“Right now, we’re only using 18 to 21 percent renewables. In Nordic countries, it’s over 50 percent—and it’s cheaper. We should invest more in renewable energy,” aniya.
Binanggit ni Abalos na bilang isang archipelagic country na hitik sa natural resources, ang Pilipinas ay may napakalaking kakayahan na makalikha ng malinis na enerhiya mula sa hangin, alon, at araw—ngunit patuloy pa rin tayong umaasa sa imported fossil fuels.
Para kay Abalos, ang pagsuporta sa renewable energy ay hindi lamang usapin ng kalikasan kundi isang matalinong hakbang pang-ekonomiya.
Aniya, ang pamumuhunan sa lokal na renewable infrastructure ay makatutulong upang mabawasan ang pagdepende sa global fuel prices, mapatatag ang presyo ng kuryente, at makalikha ng libo-libong green jobs sa mga kanayunan at komunidad.