Advertisers
KUMPIYANSA ang kongresista mula sa Mindanao na sinisimulan na ni Vice President Sara Duterte ang panunuyo sa mga kumakandidato sa pagkasenador na magiging senador na boboto sa kanyang impeachment trial.
Ang ganitong hakbang ng pangalawang Pangulo ay hindi na nakakagulat.
Ito ang inihayag ni House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation Chairman Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur.
Si VP Sara, na dati’y nagsabing hindi siya mag-eendorso ng mga kandidato sa 2025 senatorial race, ay nag-endorso kamakailan ng dalawang senatorial candidate.
Klinaro naman ni Adiong na karapatan ng Pangalawang Pangulo ang gumawa ng kanyang sariling desisyong pampulitika.
Ayon pa kay Adiong, ang mahalaga ay hindi lang ang mismong pag-eendorso, kundi ang pagbabago ng tono o posisyon nito.
Binigyang-diin ni Adiong na mas mahalaga ngayon kaysa dati ang pagpapakita ng Senado ng pagiging patas at independiyenteng institusyon sa paghawak ng impeachment trial.
Bagaman tumanggi siyang magbigay ng espekulasyon sa magiging resulta, iginiit ni Adiong na nagampanan na ng Kamara ang mandato nito.
Giit ng Kongresista na sa panahong ganito, ang kailangan natin ay matibay na prinsipyo at hindi ang pakikiayon para sa pansariling interes.
Hinimok ni Adiong ang mga Pilipino na manatiling mulat at mapagmatyag.