Advertisers
MARIING itinanggi ng mga sapatero ng Marikina ang mga ulat na nagsasabing walang suportang ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa kanilang sektor.
Ayon sa kanila, napakalaki at tuluy-tuloy ang tulong na natatanggap nila mula kay Mayor Marcy Teodoro.
“Iyong industriya ng sapatos sa Marikina, tuluy-tuloy naman iyan simula nung hinawakan ni Mayor. Una, sa mga bazaar tapos iyong pagpunta naming sa iba’t ibang lugar, binibigyan kami ng lahat, libre, wala kaming binabayaran,” ayon kay Nick dela Paz, presidente ng Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI).
Ang PFFI ay isang umbrella organization na binubuo ng mga manufacturer, retailer, kooperatiba, at kaugnay na sektor ng industriya ng sapatos sa buong bansa.
“Iyong suporta niya sa amin talagang walang naging problema. Mapunta kami sa Baguio, Sablayan, Muntinlupa, Pateros, at Laoag—lahat iyan libre. Full support siya sa amin,” dagdag pa niya.
Kinondena rin ng mga lider ng PFFI ang mga online news site na naglabas ng ulat na hindi sila kinapanayam bago ito inilathala.
“Parang kaming mga magsasapatos, walang nangyari sa amin,” ani Tony Andres, Chairman Emeritus ng PFFI.
“Sana bago sila nagsulat niyan, kinausap nila muna kami kung talagang totoo. Binanatan nila agad, e mali. Iyong kinausap nila, hindi naman naming masyadong kilala. Bakit hindi nila kami kinausap?” giit ni dela Paz.
“Dapat ang in-interview nila iyong matagal nang magsasapatos,” dagdag ni Marylinda Magbag, treasurer ng PFFI.
Simula nang maupo si Teodoro bilang alkalde, regular siyang nagsagawa ng mga bazaar tuwing Pasko at pasukan upang makatulong sa kita ng mga gumagawa ng sapatos at palawakin ang kanilang merkado.
“Malaking bagay iyon kasi iyong mga manggagawa namin, nabibigyan namin ng trabaho dahil sa mga bazaar. Kaya tuluy-tuloy ang gawa nila,” sabi ni Magbag.
Simula 2021, umabot na sa P94 milyon ang kabuuang benta ng industriya mula sa bazaars at roadshows sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Bukod pa rito, nakatulong din ang online platforms tulad ng Shopee at Lazada upang maabot ang mas malawak na merkado.
“Nakagaling din ang Shopee, Lazada, kasi nagkaroon ng online. Ang lakas,” ayon kay Magbag.
Inamin ng mga stakeholder na matinding tinamaan ang industriya noong COVID-19 pandemic, ngunit iginiit nilang hindi sila pinabayaan ni Mayor Teodoro.
“Naka-schedule sa school. Pinapunta niya lahat ng magsasapatos para ma-vaccine. Nung COVID, talagang active na active siya sa pagtulong,” ayon kay Cecille Lazaro Flores ng PFFI Secretariat.
“Nagbigay siya ng bigas at pinrioritize kami sa financial assistance. Kahit walang gawa, tumulong pa rin siya,” dagdag ni dela Paz.
Nagpasalamat din ang mga stakeholder sa pagbibigay ng insentibo sa buwis sa pamamagitan ng City Ordinance No. 110 Series of 2021, na malaking tulong upang makabangon sila mula sa epekto ng pandemya.
“Nagkaroon kami ng dialogue kay Mayor tungkol sa tax. Binigyan kami ng incentive para sa industriya ng sapatos,” ayon kay Andres.
Naglaan din si Teodoro ng libreng opisina para sa mga organisasyon ng sapatos sa loob ng Legislative Building ng lungsod.
“Iyong ibang asosasyon walang opisina, kaya naglaan siya ng isang floor. Nandoon kami, pati iba pang mga organisasyon. Walang renta iyon,” ani Flores.