Advertisers
APRUBADO na ng Committee on Local Absentee Voting ang aplikasyon ng 57,689 na botanteng nais maging bahagi ng local absentee voting.
Ang mga ito ay pawang miyembro ng uniformed services, media at iba pang ahensiya ng pamahalaan na du-duty o hindi makaboboto sa mismong araw ng halalan.
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), pinakamarami sa talaan ay mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umaabot sa 29,030 kasunod ang Philippine National Police (PNP) na mayroong 23,448 na botante.
Umaabot naman sa 4,206 ang mga pinayagan makaboto sa ilalim ng local absentee voting na mula sa iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT), Public Attorney’s Office (PAO), National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Education (DepEd).
Mayroon ding 1,005 na mga taga-media ang pinayagan makaboto sa local absentee.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, sa April 28, 29 at 30 ang local absentee voting na gagawin sa mga tanggapan ng mga humiling na ahensiya ng gobyerno.
Para naman sa mga media, ang botohan ay idaraos sa Office of the Regional Election Director para sa mga taga-NCR, boboto naman ang iba sa opisina ng Provincial Election Supervisors kung sa labas ng Metro Manila habang ang iba pang lugar ay sa office of the election officer isasagawa ang botohan.