Advertisers
Ni Juliet Q. Pacot
HANGGANG sa huling sandali sa ibabaw ng mundo nagpamalas ng pagmamahal ang fans, pamilya, kaibigan at kaanak sa burol ng mga labi ng yumaong Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
Nakaburol si Nora sa Chapel 9 ng Heritage Park sa Taguig City simula nung Huwebes Santo, April 17, 2025, isang araw matapos nitong pumanaw sa Medical City sa Pasig City.
Ayon sa anak nitong si Ian de Leon, acute respiratory failure ang dahilan ng pagpanaw ng kinikilalang Superstar sa bansa.
Hindi muna binuksan sa publiko ang burol ni Nora na binigyan ng honor guards, na kabilang sa pribilehiyo nito bilang isang National Artist. Tanging mga kaanak at malalapit na kaibigan lang ang pinayagang dumalaw.
Sa pangalawang araw ng burol, kabilang na sa mga nagbigay ng kanilang huling respeto ang PEP Troika na sina Gorgy Rula, Noel Ferrer, at Jerry Olea at ang PEP Editor-In-Chief na si Jo-Ann Maglipon.
Nakuhanan pa ng video ni Gorgy ang kabaong ni Nora na naroon ang dalawang lalaking parehong nagkaroon ng kaugnayan dito—sina John Rendez at Christopher de Leon.
Natatangi’t espesyal na kaibigan ni Nora si John. Naging manager din ni John si Nora mula nung sumabak ito sa local music scene bilang rapper sa edad na 18, at mahigit 34 taon na ang kanilang pagiging magkaibigan.
Si Christopher “Boyet” de Leon naman ay pinakasalan ni Nora nu’ng 1975. Tumagal ang kanilang marriage ng mahigit 20 taon bago ito na-annul nu’ng 1996.
Bago tuluyang nagkahiwalay, nagkaroon sila ng limang anak—sina Lotlot de Leon, Ian de Leon, Matet de Leon, Kiko Villamayor at Kenneth Villamayor.
Pawang adopted children nina Nora at Boyet sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth. Tanging si Ian lang ang kanilang biological child.
Naging emosyunal naman ang pagkikita ng mag-amang Boyet at Lotlot sa burol ni Nora na hindi napigilang humagulgol ang panganay na anak.
Nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan ang Superstar sa Libingan ng mga Bayani sa araw ng Martes, April 22, 2025 na isa sa kanyang pribilehiyo bilang National Artist ng bansa.