Advertisers
Pinatay ang isang doktor ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanyang sasakyan sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si “Leo”, 68, isang dermatologist.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nadiskubre ang bangkay ng biktima 10:00 ng umaga sa Mindanao Avenue Extension, Brgy. Pasong Putik Proper, Quezon City.
Sa report, napansin ng nangangalakal na si Tiger Marcelia ang duguang katawan ng biktima sa driver’s seat sa nakaparadang sasakyan. Agad siyang humingi ng tulong sa isang delivery rider na agad namang ipinaalam sa security guard ng isang fastfood.
Sa pag-iimbestiga ng SOCO Team sa pangunguna ni P Maj. Michael Jabel ng QCPD Forensic Unit, nakuha ang isang iris scissor na may dugo sa loob ng sasakyan habang nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Nang tignan ang dash camera footage ng sasakyan ng biktima, lumilitaw na isang lalaki ang sumakay sa kotse ng biktima sa may Neopolitan Business Park 9:45 ng gabi ng Biyernes at nai-record din na 10:24 ng gabi na makikitang pinagsasaksak na ng salarin ang biktima.
Nagsasagawa na ng follow up operation ang QCPD upang madakip ang salarin.