Advertisers
BAGSAK ang kandidatura ng Recto-Santos Political Dynasty sa Lipa City, gayundin ang paghahari sa pulitika ng mga Palacio sa bayan ng Calatagan at Fronda sa Balayan dahil sa malala, nakukunsinte at di masawata ng kapulisan na operasyon ng mga ilegal na bisyo. Hinihinalang pinanggagalingan din ito ng election fund ng ilang mga tiwaling lokal na opisyales.
Bukod sa mga Recto-Santos, Palacio at Fronda ay maraming mga incumbent na alkalde ang halos nakatitiyak na mabibigo sa kanilang re election bid o kaya ay ang kanilang mga “minamanok” na mga kandidato sa May 12, 2025 midterm election.
Nangunguna sa mga inaasahang “casualties” sa nakatakdang May poll ay ang kandidatura ng mag-iinang Vilma Santos-Recto kilalang Ate Vi, na tumatakbong Batangas Governor, ang anak niya kay actor Edu Manzano na si Luis “Lucky” Manzano na kandidatong Bise-Gobernador at anak kay ex-Senator at Finance Secretary Ralph Recto na si Ryan Christian Recto na aspiranteng kongresista sa 6th and Lone District ng Lipa City.
Kabilang din sa inaasahang ibabasura ng kanilang mga constituent ang kandidatura ay sina Pedro G. Palacio IV, anak ng nakaupong alkalde ng bayan ng Calatagan na si Peter Oliver M. Palacio at ang maybahay ni incumbent Balayan Mayor JR. Fronda na si Leslee Fronda.
Kasama din sa nawalan ng suporta ng kanilang mga kababayan ay sina Tanauan City Mayor Sonny Collantes, Lemery Mayor Ian Kenneth Alilio, San Luis Mayor Oscarlito Hernandez, Lian Mayor Joseph Peji, Nasugbu Mayor Jose Antonio Barcelon, Laurel Mayor Lyndon Bruce at iba.
Ang talamak na operasyon ng 35 Small Town Lottery (STL) bookies operator sa Lipa City ay pinangungunahan ng sindikatong “Big 4” at kinabibilangan din nina alyas Ana Tomboy, Lescano, Ycaro, Kap Randy, Boy Recto at Gary na itinurong dahilan sa patuloy na pagbaba ng trust rating ng pamilya Recto-Santos.
Ang “Big 4” pati na ang grupo ng isang alyas Kap Boyet, Kap Fernan, Kap Wanita, Kap Fonte, Ka Carling, Maliwanag at iba pa ang sinisisi sa pagbulusok ng kandidatura ng pamilya Santos-Recto na hindi pa nakakabangon sa alingasngas na dulot ng kontrobersyal na paglilipat na P89.9B na pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na sinabi ni Sec. Recto na excess fund ngunit ibinunyag naman ni Supreme Court Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang katotohanan na bangkarote ang PhilHealth.
Hindi naman masawata ang operasyon ng madayang 1-40 numbered STL bookies o jueteng operation sa buong lalawigan ng Batangas, lantaran din at 24/7 na nag-ooperate ang monte joint ng isang Lopez sa Brgy. 3, habang mistulang kabute sa dami ng mga saklaan ng magkakasosyong sina Katigbak, Pat Lopez at Bornok na di naman pinaaksyunan o sadyang hindi inaaksyunan ni Lipa City Police Chief LtCol. Rix Villareal na ang bukambibig ay ang kanyang padrinong si Executive Secretary Lucas Bersamin?
Sa siyudad ni Tanauan Mayor Collantes ay nag-ooperate ang di kukulangin sa 40 STL bookies operator ay mga barangay official na nagpapatakbo din ng mga saklaan tulad ng nag-ooperate sa Brgy. Bagbag at mga pergalan na front ng bentahan ng shabu.
“Tama na sobra na” ang sigaw naman ng mga taga Calatagan sa di masugpo-sugpong sugalan sa pergalan (peryahan na pulos sugalan) sa Poblacion Calatagan ng operator na isang Arnel na matagal nang nagpapatakbo ng madadayang table at card games tulad ng color games, beto-beto, sakla, cara y cruz (Tao-Ibon) at didal.
Bukod sa sugal ay garapalan din ang bentahan ng shabu sa pergalan at maging sa rebisahan ng STL bookies ng isang alyas Allan, ngunit dedma lamang ang mga ito sa police chief at sa mga tauhan nito. Ipinagyayabang ng pergalan operator na may palibre itong almusal, tanghalian bukod pa ang meryenda at hapunan sa mga kapulisan ng Calatagan at may lingguhan ding “parating” ito sa opisina ng municipal Police Station.
Literal lamang na tawaging “patabaing baboy” pala ni alyas Arnel ang ilang kapulisan ng Calatagan. Maging si incumbent Mayor Peter Palacio ama ng mayoral candidate na si Pedro Palacio IV ay nganga at wala ding hakbang sa mga nagaganap na kriminalidad sa kanilang bayan.
Sa bayan ng Balayan ay talamak naman ang pasakla at araw-araw na patupada ng isang alyas Kap Ogie sa ilang mga barangay ng Balayan. Ipinanagmamalaki nitong kapanalig si incumbent Mayor JR Fronda. Araw-araw ay nakikita pa sa opisina ni Mayor Fronda si Kap Ogie hanggang sa pangangampanya pabor sa ginang nitong si Leslee Fronda na tumatakbong mayora ng naturang munisipalidad.
Kasama din sa pangangampanya ng mag-asawang Fronda ang isang alyas Noche at Leo na nagpapatakbo naman doon ng Small Town Lottery (STL) bookies o jueteng, pergalan at paihi/buriki.
Sa bayan ng Lemery at San Luis ay largado din ang pa-jueteng o STL bookies operation ng isang alyas Ricalde, Nasugbu STL bookies at mga pasakla ni Willy Bokbok, sa bayan ng Lian ay may mala casino na pasugalan sa tabi ng Lian Market pati na ang STL bookies operation ng ilang mga kapanalig sa pulitika ni Mayor Joseph Piji gayundin sa mga bayan ng Laurel at iba pa. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144