PNP PINAPURIHAN NG KAMARA SA MABILIS NA PAG-ARESTO SA SUSPEK SA PAGPATAY SA NEGOSYANTENG SI ANSON QUE
Advertisers
PINURI ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Philippine National Police (PNP) sa mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek kaugnay sa brutal na pagpaslang sa Filipino-Chinese businessman na si Anson Que at kaniyang driver.
Ani Romualdez, ang mabilis na aksyon ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ay pagpapakita ng commitment ng administrasyong Marcos sa agarang pagkakaloob ng hustisya at pagbibigay proteksyon sa publiko laban sa anumang uri ng krimen.
“This case proves that our law enforcement institutions, when fully supported, are capable of solving even the most complex crimes without resorting to violence or extrajudicial means,” wika ni House Speaker Romualdez.
Ayon kay Romualdez, pagpapakita ito na umiiral ang rule of law sa bansa.
Nagpasalamat din si Romualdez kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa suporta nito sa PNP.
Binigyang-diin ni Romualdez ang pahayag ni Pang. Marcos na panatilihing ligtas ang komunidad.
Ani Romualdez sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ang mga kriminal ay tiyak na pananagutin sa batas.
Una nang iniharap sa media ng PNP ang mga susepk na kinilalang sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista at David Tan Liao na ngayon ay nasa kostodiya ng PNP Anti-Kidnapping Group.
Sumuko sa mga otoridad si Liao na isang Chinese national at inamin ang pagkakasangkot sa krimen.
Ang dalawa pang suspek ay naaresto sa operasyon ng pulisya sa Palawan.
Si Que at kaniyang driver na si Armanie Pabillo ay napaulat na nawawala noong March 29 matapos umalis sa kaniyang opisina sa Valenzuela City.
Ang mga suspek sa pagdukot sa dalawa ay himingi ng ransom na USD20 million sa pamilya ni Que.
Kalaunan ay natagpuang patay ang dalawa sa Rodriguez, Rizal.
Bumuo ang PNP ng special investigation task group na kinabibilangan ng Criminal Investigation and Detection Group at Anti-Cybercrime Group at gamit ang mga nakalap na CCTV footage, cyber monitoring at forensic evidence ay natukoy ang mga suspek.
Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang posibilidad na may kaugnayan sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang insidente.
Ayon pa kay Romualdez, ang pag-aresto sa tatlong suspek ay naisakatuparan sa pamamagitan ng koordinasyon, intelligence work at gamit ang teknolohiya.
“This is the kind of law enforcement we need—decisive, coordinated, and most importantly, humane,” dagdag pa ni Romualdez.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Speaker Romualdez ang commitment ng Kamara na isulong at suportahan ang mga batas na mas magpapabuti pa sa enforcement capabilities, inter-agency coordination at pagpapatibay sa criminal justice system sa bansa.