Advertisers

Advertisers

DOTr-MRT-3 nagbabala kontra pekeng beep cards na ibinebenta online

0 4

Advertisers

MAHIGPIT na nagbabala ang pamunuan ng MRT-3 sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) laban sa mga online na nagbebenta ng pekeng beep cards na umano’y may “unlimited rides.”

Base sa advisory ng MRT-3, ang Facebook page na “Manila Metro” na nagpo-post ng ganitong klaseng alok ay hindi awtorisado at peke. Wala rin itong opisyal na kaugnayan sa MRT-3.

“These online advertisements, often posted on suspicious social media pages, are not legitimate and may be part of a scam designed to trick individuals,” ayon pa sa pamunuan ng MRT-3.



Bagama’t walang lumabas na aktibong Facebook account na may pangalang “Manila Metro” sa oras ng pag-post, ipinakita ng Google search na posibleng na-block na ito ng Facebook dahil sa “false information.”

Pinayuhan ng MRT-3 ang publiko na huwag magbigay ng personal na impormasyon o magpadala ng bayad sa mga kahina-hinalang ad o social media pages.

Pinaalalahanan din ang mga commuter na magtungo lamang sa opisyal na Facebook page ng MRT-3 para sa lehitimong impormasyon at update.

Nagbabala rin ang pamunuan ng MRT-3 na maaaring humarap sa legal na aksyon ang sinumang mapatunayang gumamit ng pangalan, logo, o imahe ng MRT-3 sa mapanlinlang na paraan.

Ang beep card ay reloadable card na ginagamit sa mga tren at piling pampublikong sasakyan. Mabibili ito sa mga istasyon ng tren at sa opisyal na online store ng beep sa mga kilalang shopping platforms.



Ang AF Payments Inc. (AFPI) ang tanging lehitimong issuer ng beep cards.