Advertisers

Advertisers

3 suspek sa kidnap-slay sa bilyonayong Tsinoy timbog

0 9

Advertisers

Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong suspek sa pagpatay sa steel magnate na si Anson Que o Anson Tan, kabilang ang isang Chinese national na principal suspect sa pagdukot.

Ito ang iniulat ng ahensya nitong Sabado ng hapon, Abril 19, sa Camp Crame.

Ayon kay Philippine Regional Office 3 (PRO 3) Regional Director at PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo, nadakip sa Roxas, Palawan kahapon, Abril 18, ang dalawang suspek na sina Ricardo Austria David at Reymart Catequista.



Habang ang Chinese national naman umano na si David Tan Liao, na isa sa mga principal na suspek ang sumuko nitong Linggo ng umaga, Abril 19, sa tanggapan ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Camp Crame.

Samantala, mayroon pang dalawang Chinese national na pawang principal suspect sa pagdukot kay Anson Que ang patuloy na pinaghahanap ng PNP.

Napag-alaman pa kay Fajardo na sa pamamagitan ng backtracking ng mga CCTV footage, natunton nila ang bahay sa Meycauayan, Bulacan, kung saan nagtungo si Que at drayber nitong si Armani Pabilio noong Marso 29, 2025 lulan ng itim na Lexus.

Sa nasabing bahay din pinigil si Que at drayber nito habang humingi naman ng ransom money na $20 milyon ang mga kidnapper, na nakapaghulog naman ang pamilya ni Que ng aabot sa P200 milyon sa ilang tranch sa pamamagitan ng cryptocurrency.

April 8, 2025 nang patayin ng mga kidnapper si Que at drayber nito sa pamamagitan ng pagsakal ng nylon cord at ang ipinangsakal din ang ipinangtali sa kanila habang nilagyan ng duct tape ang buong mukha ng mga biktima.



Pagkatapos nito, isinakay ang bangkay ng mga biktima sa likod ng sasakyan at itinapon ito sa mabundok na lugar sa Barangay Macabud sa Rodriguez, Rizal.

Ayon kay Fajardo, sa kanilang backtracking natunton ang bahay sa Meycauayan, Bulacan at sa pamamagitan ng search warrant ay pinasok nila ito at doon nakuha ang mga ebidensya, katulad ng mga sapatos ni Que na huli nitong sinuot gayundin ang sapatos ng drayber na si Pabilio.

Nakuha rin ang mga kulay orange na nylon cord na ipinangsakal sa mga biktima sa loob ng bahay.

Nitong Linggo ng hapon, na-inquest na ang mga suspek habang patuloy pa rin pinaghahanap ang dalawang Chinese national na sinasabing principal sa pagdukot at pagpatay kay Que.(Mark Obleada)