Advertisers

Advertisers

2 Terorista patay sa bakbakan

0 4

Advertisers

Nasawi ang dalawang terorista sa magkahiwalay na operasyon ng militar sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte at Sultan Kudarat.

Ayon kay Brigadier General Romulo Quemado II, Commander ng 1st Marine Brigade, napatay si Norsaidie Samo Tato, miyembro ng Tato Group, isang kilalang armadong grupo na sangkot sa mga gawaing kriminal sa lugar sa engkwentrong naganap 5:00 ng umaga nitong Abril 18, 2025 sa Barangay Meti, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Isinagawa ang naturang operasyon ng mga tropa ng Marine Battalion Landing Team – 5 (MBLT5) kasama ang pulisya at iba pang security agencies. Nasamsam sa pinangyarihan ng engkwentro ang iba’t- ibang uri ng armas at kagamitan kabilang ang isang shotgun, isang Springfield Armory caliber .45 pistol, at isang caliber .22 pistol na may scope. Kasama rin sa mga narekober ang mga magasin at bala, isang granada, limang handheld radios, pati na rin ang dalawang passport at dalawang identification cards.



Samantala, 5:00 ng hapon sa parehong araw, isa pang engkwentro ang naganap sa Purok Patyog, Barangay Banali, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat. Isang miyembro ng communist terrorist group ang napatay nang makasagupa ang mga tropa ng 7th Infantry (Tapat) Battalion, sa pamumuno ni Lt. Col. Tristan Rey P. Vallescas.

Ayon sa ulat, nagsumbong ang mga lokal na residente hinggil sa presensya ng armadong grupo na nangingikil sa mga magsasaka, negosyante, at maging sa mga kandidatong politiko. Mabilis na rumesponde ang mga operating troops ng 7IB na naging sanhi ng engkwentro at pagkamatay ng isang CTG member kasabay ang pagrekober ng isang M16 rifle.