Advertisers
SA Araw ng Pagkabuhay ng Kwaresma ay panahon ng pagninilay at pagmumuni-muni; sadyang magandang pagsasanay, para sa mga susunod na hakbang sa buhay. Sa opinyon ng inyong lingkod, gamitin sa isang mahusay at marangal na pamumuhay: umiwas tayo sa mga bagay na negatibo at nagdadala sa atin sa pagdududa.
Ang Kwaresma ay nagkataon na panahon ng kampanya sa halalan sa Mayo 12. Dito ang tema ng bawat kumakandidato ay nagigisnan sa kulay ng kani-kanilang baro. Pero paumanhin po kung nababahid ng kamangmangan ang tanong ng inyong anang lingkod: BAKIT ITIM?
Naiintindihan ko kung sumasang-ayon sa moda ang mga pinupuntirya ko, sina Manang Babs at Inday Lustay; dalawang nilalang na ang pangalan ay Sara Duterte at Imee Marcos. ‘Tila nag paradigm shift ang kanilang marketing, una, yung Alyansang Itim, na ayon sa mapagbirong netizen na si Stanley Cabanatan – ang Itim ay acronym ng Itakwil ang Tambaloslos at Iwasan ang Mangga!
Acronym pa lang yan ha, hindi pa natin tinatalakay ang paradigm shift ng kanilang kampanya! Maraming negatibong kahuligan ang kulay itim sa ating kultura. Sa mga Pilipinong lumaki sa kultura ng Kristiyanismo ang itim ay nangangahulugan sa bagay na negatibo, malagim, naka-demonyo.
Sa mga kabataan tulad natin ito ay bahagi ng kulturang “Goth” na nakuha natin sa mga mahilig sa nagbabasa kay Bram Stoker, Mary Shelley, Washington Irving, Oscar Wilde, atbp. Mga mahilig sa mga bagay na nauugnay sa kamatayan, mga sementeryo, kabaong, minsan pati ang kinahihiligan ang mga bangkay at kalansay!
Sa maikli, ang pagiging Goth ay pamumuhay na tinatanggap ng inyong abang lingkod! Isipin natin, noong henerasyon ng mga ninuno natin, lalo na kung taga Kanluran ka, nakakakita ako ng mga litrato ng libing, kung saan ang mga kaanak ay pulos naka-itim at kinukunan silang kalakip ang kabaong na bukas, at bangkay ng kanilang kaanak!
Masasabi ko tuwing sa buhay nila sila ay naging Goth din! At ang tinatawag nilang “memento morii”, kung saan itinatago nila ang mga ginupit na buhok, kuko, o buto! Laganap sa Asya ang kahulugan ng kulay itim sa kababalaghan o mitolohiya. Ang itim ay kulay ng mangkukulam at satanismo!
Naalala ng inyong abang lingkod na naging laganap ang balita ng mga “satanista” na umaaligid sa Metro Manila! Maging ang istorya ng “aswang” ay ginamit ng grupo ni Ed Landsdale, na noong nasa CIA siya noong 1950s ginamit niya ang aswang sa mga Huk upang matakot sila! Opo mga giliw kong tagabasa, sa wika ng mga banyaga, Amazing but true!
Kaya sapantaha ko hindi maganda ang estratehiya ni Inday at Manang Babs, lalo na ngayong panahon ng Kwaresma! Ipagpaumanhin niyo po ako kung paulit-ulit ako, dahil sa akin, negatibo ang paggamit ng temang “itim” sa isang kampanya. Ang tanong ng iba, “eh bakit hindi kulay pula? Hindi ba nabahiran ng dugo ang rehimen ng nakatatandang Duterte at ang kasalukuyang nakakulong sa The Hague?
Iyong tinagurian na dating pangulong serial killer? Kung pilit nilang ikatuwiran ang kawalan ng pag-asa sa eleksyon, at kung ako ang creative director nila sa ahensya ang konseptong “itim” ay mababaril. Bagkus, dahil ito ay mababaril, magiging madugo ito. Sa panahon ng pag-iisip at pagninilay, nawa manatili ang kamalayan natin tungo sa tama at matinong pag-iisip.
Ito ay pagsanay natin sa pagpili ng tama at matinong iluluklok sa darating na halalan. Kasihan Nawa tayong lahat ni Poong Kabunian at Maligayang Araw ng Pagkabuhay sa lahat!!!
***
KUMAGAT sa pandesal mainit-init pa ang balita na sinampahan ng kaso sina Atty. Harry Roque at isang blogger Claire Contreras alyas Maharlika. Ito ay matapos ipagkalat umano ng dalawa ang video na nagpapakita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumisinghot ng puting pulbos. Sa nakita kong video walang katiyakan kung si Bongbong ang nasa video dahil malabo ito.
Naiintindihan ko ang sapantaha ni Nikki Coseteng na marahil naging ganoon ang kalakaran nila ni Bonget noon; ngunit sasang-ayon din sa akin si Ma’am Nikki, na iba ang noon sa kasalukuyan, ang tao nagma-mature, tumitino habang tumatanda.
Ang inyong abang-lingkod ay hindi naging anghel; ngunit nagkaroon ng sariling epipanyo nang tumanda na. Kaya payo ko lang: Huwag mag-alala; tatanda ka rin.
***
mackoyv@gmail.com