Advertisers
HINDI kataka-taka na inilaglag ni Tsis si Imee sa nakaraang political dynamics sa Senado. Walang mawawala kay Tsis at batid siya na siya ang ugando. Walang respeto si Tsis kay Manang na kalat mag-isip at naghahanap lang ng butas sa pagdakip ng pinagsamang pwersa ng PNP at Interpol kay Gongdi at ikulong sa prison facility ng International Criminal Court (ICC) sa Scheveningen, The Netherlands.
Walang malinaw na political constituency si Imee. Hindi siya ganap na sinusuportahan ng mga loyalista ni Gongdi. Hindi siya tinatanggap ng mga tagasuporta ni BBM. Mas hindi siya tanggap ng mga Dilawan at Pinklawan. Wala siyang suporta mula sa Kaliwa. Ngayon, itinuturing si Imee na isa mga matatalo kasama ni Bato dela Rosa, Camille Villar, at Francis Tolentino. Malayo siya sa kabihasnan.
Samantala, nangungunyapit si Tsis sa poder. Nais niyang manatili bilang presidente ng Senado, ang pangatlong pinakamataas na pwesto sa bansa. Makapangyarihan ang pwestong na ito dahil naimpluwensyahan niya ang takbo ng pulitika ng bansa. Dahil ambisyoso, layunin ni Tsis na masungkit ang mga political constituency na maaaring magbigay sa kanya ng boto sa 2028. Nais niya na siya ang pumalit kay BBM sa 2028.
Hindi lingid sa bansa, nais makuha ni Tsis ang political constituency ng Inferior Davao. Sa kanya at sinasang-ayunan ito ng mga maraming nagmamatyag, ito umano ang pinakamalaki, pinakamalawak, at pinakamadaling kumbinsihin at utuin upang suportahan ang kanyang ambisyon. Ito ang dahilan ni Tsis upang gawin ang lahat-lahat para makumbinsi ang mga tagasuporta ng mag-amang Duterte.
Alam niyang matatalo si Imee sa Mayo 12. Sa kanya, wala itong pakinabang upang ligawan at makuha niya ang constituency ng mga Duterte. Tanging ang sarili ang mahal ni Imee at wala siyang mapapala si Tsis sa kanya. Kaya mas maigi na ibasura na lang si Manang. Ito nga ang ginawa niya at totoong wais ni Tsis. Alam niya kung kanino siya tataya.
Nabasa niya na mas kakailanganin siya ni Misfit Sara sa mga susunod na araw. Kailangan ipagtanggol ni Tsis si Misfit Sara na haharap sa isang matinding impeachment trial sa Senado pagdating ng Hulyo. Kahit anong mangyari, batid niya na siya ang panalo.
Kung makakalusot, hindi malayo na tatakbo si Misfit Sara bilang presidente at bise presidente niya si Tsis. Kung sisibakin si Misfit Sara, madali para kay Tsis na siya ang kandidato ng mga pwersang halos nababaliw sa paghingi na ibalik si Gongdi sa Filipinas. May constituency si Tsis sa 2028 at madali niyang itong masusungkit para manalo.
May political constituency rin si Tsis sa administrasyon. Kasama siya na NPC, isa sa mga lapian na bumubuo ng koalisyon na sumusuporta kay BBM. Malakas ang NPC sa hilaga at Gitnang Luzon dahil sa namayapang Danding Cojuangco na taga-Tarlac. Taga-Sorsogon si Tsis at binibilang niya sa suporta ng Bicolandia at Katimugang Tagalog.
Ang Kabisayaan na lang ang liligawan ni Tsis. Ito ang dahilan kung bakit nanaisin niya na taga-Kabisayaan ang kanyang bise. Isa lang ang problema ni Tsis. Bistado siya na oportunista at maraming pulitiko ang walang paghanga sa kanya. Naghihinala sila sa totoong intension ni Tsis na para sa kanila at tanging sarili lang ang nais ipagtanggol.
Marami pang mangyayari pero maigi na bistado na si Tsis sa layunin ng kanyang bawat galaw. Kasama kami sa mga walang bilib sa kanya. Nagdududa kami, sa totoo lang.
***
ALYANSANG ITIM – ito ang sagot ni Misfit Sara at Manang Babs sa tiket ng administrasyon na inaasahang kikilos na sa pagtatapos ng Semana Santa. Hindi kasama sa Alyansang Itim ang ibang kandidato ng sindikatong Inferior Davao tulad ni Bong Go, Bato dela Rosa, Philip Salvador at Rodente Marcoleta. Hindi handa si Misfit Sara at Mang bas na tustusan ang kandidatura nina Bong Go at iba pa.
Iyan ang malaking problema ng Alyansang Itim dahil kahit bali-baligtarin ang mundo, hindi handa silang dalawa na tulungan sina Bong Go, Bato at iba pa. Hating-hati sila. Wala silang makinarya na magdadala sa tiket ng sindikatong Inferior Davao. Sino ang tutustos? Nakakulong si Gongdi sa prison facility ng ICC sa Scheveningen, The Netherlands.
Kahit si Camoteng Robin ay hindi nakapasok para makausap ang kanyang amo na si Gongdi. Umalis siya ng bansa ng bokya at umuwi ng bokya. Wala siyang dala kahit isang pisong duling sa pag-uwi. Hindi malaman ni Robin kung paano kakausapin ang mga kandidato ng Inferior Davao. Wala kasi siyang ibibigay kahit siya ang pangulo umano ng PDP-Laban Sa maikli, pa-da-pa lang ang PDP at walang laban.
Sa survey lang malakas ang Inferior Davao dahil mga istambay sa kanto ang mga tinatanong ng interviewer ng polling firm. Marami sa kanila ang DDS. Hindi pa lumalabas ang mga ibang kandidato para senador sa kampanya. Malakas ang aming paniwala na lulusot sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan. Maaaring magbigay ng magandang laban sina Heidi Mendoza, France Castro Luke Espiritu, at Teddy Casino sa Mayo 12.
Tatamaan ang kandidato ng mga malalaking dinastiya pulitikal na nasa tiket ng administrasyon. Nilalagnat sa kasalukuyan ang kandidatura ni Camille Villar, Bong “Pandaya” Revilla, at Francis Tolentino. Matamlay at walang kabuhay-buhay.