“Wag mag-iiwan ng may sinding kandila, isara ang tangke ng gas ngayong weekend ” – Mayor Honey
Advertisers
MAHIGPIT na nagpaalala si Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga residente ng Maynila na wag mag-iiwan ng may sinding kandila, isara ang tangke ng gas, kapag umalis ng bahay ngayong may mahabang weekend.
Nanawagan din siya sa lahat ng Manileño na gamitin ang okasyon para magmuni-muni , mag-renew ng pananampalataya at higit pang palakasin ito.
“Gamitin po natin ang panahon na ito upang makapagnilay-nilay, magbalik-loob sa Panginoon, patatagin ang ating paniniwala sa Kanya at maipahinga ang ating katawan at isipan,” sabi ng alkalde.
Pinayuhan din ng lady Mayor ang mga magtutungo sa simbahan na panatilihing hydrated ang katawan at umiwas sa init ng araw lalo na kapag tirik na tirik ito kung saan ito ay nakasasama.
Dahil nga marami ang mag-a-out of town ngayong weekend, ang pag-iiwan ng may sinding kandila at napabayaang tangke ng gas ang siyang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sunog.
Samantala, inanunsyo ni Lacuna na sarado ang dalawang pampublikong sementeryo na pinatatakbo ng pamahalaang lokal na kinabibilangan ng Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC) ngayong Huwebes Santo at Biyernes Santo bilang paggunita sa Mahal na Araw.
Sinabi ni MNC Director Yayay Castaneda na ang Manila North Cemetery ay babalik sa kanilang operasyon ngayong Sabado. (ANDI GARCIA)