Advertisers

Advertisers

TRABAHO Partylist, kaisa ng mga manggagawa ngayong Semana Santa; giit ang karampatang holiday pay at benepisyo

0 41

Advertisers

Sa gitna ng paggunita ng sambayanang Pilipino sa Semana Santa, ipinahayag ng TRABAHO Partylist ang buong suporta nito sa mga manggagawang patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng pista opisyal. Binigyang-diin ng grupo ang kahalagahan ng pagkilala at pagbibigay ng tamang kompensasyon sa mga empleyadong naglilingkod sa mga legal na holiday.

“Mahalaga ang pagkilala sa sakripisyo ng ating mga manggagawa lalo na sa mahahalagang araw gaya ng Semana Santa,” pahayag ni TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu. “Hindi lamang pasasalamat ang nararapat sa kanila kundi pati ang benepisyong nakasaad sa batas.”

Batay sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga empleyadong nagtatrabaho sa regular holidays gaya ng Huwebes Santo at Biyernes Santo ay dapat tumanggap ng dobleng sahod para sa unang walong oras ng trabaho. Kung lalagpas sa walong oras, may karagdagang 30% sa orasang sahod ang dapat ibigay.



Kapag natapat sa rest day ng empleyado ang holiday, dapat itong tumanggap ng 230% ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras, at dagdag na 30% para sa overtime.

Samantala, sa Sabado de Gloria na itinuturing na special non-working day, ang mga papasok sa trabaho ay dapat tumanggap ng dagdag na 30% ng kanilang basic wage para sa unang walong oras. Kapag ito ay natapat din sa kanilang rest day, tataas ito sa 50%.

Mula pa noon, kilala ang TRABAHO Partylist sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa. Bukod sa tamang holiday pay, isinusulong din ng grupo ang mga non-wage benefits gaya ng allowances at subsidies upang mapagaan ang epekto ng inflation sa mga manggagawa.

“Ang aming layunin ay matiyak na patas ang pagturing sa bawat manggagawa at makuha nila ang lahat ng benepisyong para sa kanila,” dagdag ni Atty. Espiritu. “Lalo na sa panahon kung kailan ang kanilang serbisyo ay nagsisilbing gulugod ng mga mahahalagang serbisyo para sa bayan.”

Sa pagpapatuloy ng Semana Santa, nananawagan ang TRABAHO Partylist sa mga employer na mahigpit na sundin ang batas ukol sa holiday pay at mga benepisyo. Hinikayat rin nito ang mga ahensiya ng gobyerno na tiyakin ang pagsunod ng mga kompanya at agad na tugunan ang anumang paglabag.