Advertisers
NAKAGUGULAT para sa PDP-Laban ang pag-endorso ni Vice Presidente Sara Duterte-Carpio sa ilang presidentiables na hindi likas na kapartido, na nakakaapekto sa mga orig na kandidato ng grupo.
Oo! Dahil sa ginawang pag-endorso ni VP Sara kina Senator Imee Marcos at House Deputy Speaker Camille Villar, may namumuong tensiyon ngayon sa loob ng kampo ng PDP-Laban. May direkta kasing epekto ito sa fighting chance ng ilang naghahabol na senatorial candidates ng partido gaya nina Dante Marcoleta, Philip Salvador at maging si Jimmy Bondoc.
Kung aangat kasi sina Imee at Camille dahil sa Sara endorsement, maiiwan naman ang tatlong nabanggit na kandidato. At ito ang pinakakomplikasyon ng ginawa ni Sara para kina Imee at Camille. Mismo!
Lumalabas tuloy na nilaglag ni Sara ang buong PDP-Laban at malamang sa malamang ay sina Bong Go at Bato Dela Rosa lang ang makalusot habang diretso-inidoro ang iba pang kandidato ng kanilang partido. Araguy!!!
Tulad din ni Imee, tila nasa yugto narin ng desperasyon sa kampanya si Camille, ang bunsong anak ng numerong unong bilyonaryo sa bansa na si ex-Senate President Manny Villar.
Pareho kasing nangungulelat sa surveys sina Imee at Camille, at may malaking posibilidad na kapwa matalo ngayong 2025 midterm elections kahit sinasabing bilyon-bilyong piso na ang nagagasta ng dalawa sa kani-kanilang kampanya. Kawawa naman, ‘di po ba?
Hindi kinakagat ng mga botante ang dalawang miyembro ng Nacionalista Party (NP). Oo! Sa pinakahuling Pulse Asia survey, pang-17 si Imee habang pang-14 si Camille at naungusan pa siya ng laos na artista na si Ipe. Hehehe…
Sabi nga: “Ang taong gipit sa patalim kumakapit”. Kung kaya siguro kinuha na nina Imee at Camille ang pag-endorso ni Sara Duterte.
May “Itim” campaign ad si Imee, habang kalat naman sa social media ngayon ang isang picture kungsaan magkakasama sina Camille, Sara, at Manny habang nasa likuran nila ang green screen.
Abangan natin kung ano naman ang pakulo ni Camille kasama ang Bise Presidente. Hehehe…
Lumilitaw tuloy ngayon na tila walang paninindigan at prinsipyo sina Imee at Camille. Para sa kanila, layunin lang nila ang manalo pero ayaw na ayaw ng mga botante na sala-sa-init, sala-sa-lamig ang isang kandidato. Mismo!
Mapait sa panlasa ang walang loyalty. Ganoon sina Sara, Imee, at Camille.
Maging ang planong pagtakbo ni Sara sa 2028 presidential elections ay palabo nang palabo narin. Kasi nga malabo naring makauwi ng buhay sa Pilipinas ang kanyang tatay, ex-President Digong, na nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands dahil sa kinakaharap na kasong ‘Crimes against humanity’ kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Tapos si Sara mismo ay masasalang sa Senate Impeachment Court simula Hulyo 1, matapos siyang i-impeach ng Kamara dahil sa mga kaso ng korapsyon kaugnay ng nadiskubreng maling paglustay niya sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Departmemt of Education (DepED).
Kapag napatunayang ‘guilty’ si Sara sa pag-impeach sa kanya ng Kamara, hindi na siya makakatakbo pa sa 2028. Tapos ang political career niya. Pero ang lahat ng ito ay nakasalalay sa kamay ng mga Senador. Dapat lamang ang kanyang bilang sa Senado sa Mayo 12. Mismo!