Advertisers
Sana may oras ang mga pinuno ng Pilipinas ngayong Semana Santa na pagmuni-munihan ang naging buhay ni Hesukristo. Sana ma-inspire silang gayahin ang paglilingkod Niya dito sa lupa — sinsero, may malasakit, at nakaasa sa Diyos Ama.
Madalas nating isiping mga Pilipino na wala nang pag-asang umunlad at magbago ang Pilipinas. Pero ang totoo, sa maniwala kayo o hindi, kayang-kaya tayong dalhin ng isang tamang pamumuno mula sa lusak patungo sa pangarap nating bansa.
Patunay diyan ang Lungsod ng Taguig, ang sulok sa Metro Manila na dating dinadaan-daanan lang pero ngayon ay tadtad na ng mga modernong gusali, magagandang parke, at tahanan na ng mga kapwa nating Pilipinong masaya, produktibo, at kuntento.
Alam niyo bang noong 2010, dinatnan ni Mayor Lani Cayetano ang Taguig na baon sa utang? Ang utang ng lungsod ay ₱2 bilyon, at ang pondo ng pamahalaang lungsod ay halos ₱2 bilyon lang din? Pero imbes na sumandig sa mga shortcut gaya ng pagpapatayo ng casino o pagbibigay-laya sa mga sugalan para madagdagan ang kita, tinahak ni Mayor Lani ang landas na may takot sa Diyos at malasakit sa mamamayan.
Tinanggihan ng lungsod ang lahat ng uri ng sugal, mula sa casino hanggang bingguhan. Maski sigurado ang kita, hindi nila ito pinayagan. Bakit? Dahil hindi ito ang uri ng pagkakakitaan na kalugod-lugod sa mata ng Panginoon.
Sa halip, inayos ni Mayor Lani ang prayoridad ng pamahalaang lungsod. Ang pondo na dati’y napupunta sa garbage collection ay inilipat sa mas makabuluhang serbisyo — libreng serbisyong pangkalusugan para sa lahat at libreng edukasyon mula daycare hanggang kolehiyo. Sa ilalim ni Mayor Lani, naging prayoridad ang kalusugan, karunungan, at kabutihan.
Ang resulta? Sa loob ng wala pang isang dekada, nabayaran ang lahat ng utang ng lungsod. At hindi lang ‘yon. Ang pondo ng Taguig ay lumago hanggang ₱10 bilyon, at malamang ay higit pa diyan ngayon. Isang napakalaking pagbabago na nag-ugat sa pananampalataya at prinsipyo.
Ito ang bunga ng maka-Diyos na pamumuno. Ito ang bunga ng aktuwal na pagsasabuhay ng mga prinsipyo ni Kristo sa pamumuno: matapat, may malasakit, walang tinatangi, at isinasaalang-alang ang kapakanan ng lahat, lalo na ng mga pinakamahihirap.
Magsilbi sanang inspirasyon ang Taguig. Sa panahong maraming lider ang nauutal sa tukso ng madaliang kita at pansariling kapangyarihan, may mga pamahalaang pinili pa rin ang daan ng Diyos. At dahil doon, bumubuhos ang pagpapala sa kanila.
Patunay ang Taguig na kapag ang Diyos ang sentro, tuloy-tuloy ang pagpapala sa komunidad.
Bitbitin sana natin ang aral na ito mula ngayong Semana Santa hanggang sa eleksyon sa Mayo 12. Dahil heto ang isang hard-to-swallow pill: Marami sa problema natin ay hindi si Satanas ang may gawa kundi tayo at ang maling choices natin sa buhay.