Advertisers
KASALUKUYANG nasa kostudya ng Philippine National Police (PNP) ang pitong pulis na suspek sa bigong pagpaslang sa kandidatong mayor ng Albuera, Letye na si Kerwin Espinosa.
Si Espinosa ang umaming “drug lord” nang maaresto at pigain ng Kongreso noong panahon ng kasagsagan ng ‘war on drugs’ ni dating Pangulo Rody Duterte.
Pero siya ay pinawalang-sala ng korte dahil sa kawalan ng mga ebidensiya, at binawi niya ang mga inamin sa imbestigasyon ng Kongreso, sinabing ginipit lamang siya noon ni dating PNP Chief ngayo’y reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
“We now have seven policemen under custody… they are being investigated on whether or not they have anything to do with the shooting of Mr. Espinosa,” pahayag ni PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo.
Ang naturang mga pulis ay kinilalang sina: Colonel Reydante Ariza, Lieutenant Colonel Leonides Sydiongco, Sergeant Alrose Astilla, Corporal Arvin Jose Baronda, Corporal Jeffrey Dagoy, Corporal Alexander Reponte, at Patrolman Maricor Espinosa.
Paliwanag pa ni BGen. Fajardo, ang naturang mga pulis ay naaresto sa loob ng compound kungsaan pumasok ang getaway vehicle ng bumaril para magtago matapos habulin ng mga operatiba.
Nadiskubre rin ang mga baril sa loob ng dalawang sasakyan na nakaparada sa loob ng compound.
“We [PNP] conducted a pursuit operation because we had a motor vehicle of interest, a Montero, which allegedly fled the scene of the shooting in a hurry,” dagdag ni BGen. Fajardo.
“We managed to catch up with it immediately. Upon entering the compound, we came upon the seven cops there,” sabi pa ng opisyal.
Ang pitong naarestong mga pulis ay mga nakatalaga sa Ormoc City Police Station, kungsaan ang mga politikong namumuno ay ang mag-asawang Richard at Lucy Torres, mga kapwa dating artista.
Si Espinosa ay masuwerteng hindi napuruhan, nasapol ito sa bandang dibdib na tumagos sa balikat ang balang double action.
Sinasabing gawa-gawa lamang ni Espinosa ang pagbaril sa kanya para makakuha ng simpatya sa kanyang kandidatura.
Pero giit ni Espinosa sa kanyang live-stream post sa Facebook: “Gawa-gawa ba ang barilin ka malapit sa puso?”
“Ginawa nila ito dahil ayaw nilang magsilbi ako bilang mayor ng Albuera dahil maaapektuhan ang kanilang negosyo,” sabi ni Espinosa na hindi naman tinukoy ang nasa likod ng krimen.
Noong nakaraang Oktubre, si Espinosa ay nag-testify sa House of Representatives na si dating PNP Chief na ngayo’y reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay pinuwersa siya na isangkot si dating Sen. Leila De Lima at businessman na si Peter Lim sa illegal drug trade.
Sinabi niyang binataan siya noon ni Bato na sasaktan siya at kanyang pamilya kapag tumangging sumunod sa kanyang utos.
Si Bato ang unang naging Chief PNP ng Duterte administration at siyang nagpatupad ng brutal na giyera kontra iligal na droga.
Ang ama ni Espinosa na si Rolando Sr., noo’y Albuera mayor, ay pinatay sa loob ng kulungan ng mga pulis ng CIDG na noo’y pinamumunuan ng isang Col. Marcos, at pinalabas na shootout ang nangyari noong November 2016 habang ang matandang Espinosa ay nasa Baybay City Provincial Jail sa kasong droga na umano’y gawa-gawa din ni Duterte.
Labingsiyam na pulis ang kinasuhan noon pero pinawalangsala lang Quezon City court. Ibinalik pa sila sa serbisyo sa mando ni noo’y President Rodrigo Duterte. See!