Advertisers
Isang araw matapos ang bigong ambush-slay kay mayoralty candidate Kerwin Espinosa, pinasabugan naman ng molotov bomb ang campaign headquarters ng kalaban nito sa halalan sa Albuera, Leyte.
Sa report ng Leyte Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente, 5:00 ng umaga sa Brgy. Poblacion ng nasabing bayan na sinasabing posibleng may kaugnayan sa halalan sa Mayo at sa naganap na pana-nambang kay Espinosa.
Base sa imbestigasyon, bigla na lamang umanong hinagisan ng molotov bomb ng hindi kilalang mga suspect ang campaign headquarters ni Albuera mayoralty candidate Vince Rama ng Albuera Development Team (ADT).
Bayaw si Rama ni Lucy Torres-Gomez, re-electionist mayor ng Ormoc.
Wala namang nasugatan sa insidente pero lumikha ito ng matinding pangamba sa kampo ni Rama at maging ng mga masugid nitong supporters.
Magugunita na si Espinosa, isang self-confessed drug lord na kandidatong alkalde sa Albuera ang masigasig na nangangampanya sa Brgy. Tinag-an ng kanilang bayan nang tambangan ng mga armadong kalalakihan noong Huwebes ng gabi kung saan tinamaan siya ng bala sa kanang dibdib malapit sa kaniyang puso pero nakaligtas. Sugatan din sa insidente ang kanyang kapatid at isa pang menor-de-edad na nadamay sa insidente.
Sa kasalukuyan, bumuti na ang kondisyon ni Espinosa at naka-labas na rin sa pagamutan habang pitong pulis na nakatalaga sa Ormoc City na sinasabing “persons of interest” sa insidente ang isinailalim sa kustodya ng Leyte Police Provincial Office at iniimbestigahan sa nasabing pana-nambang. Hinihinala namang isang sniper ang tumira kay Espinosa bagama’t sumablay ito dahil sa paggalaw ng target.
Magugunita na Pebrero pa lamang mainit na ang tensiyon sa Albuera nang hagisan ng granada ang bahay ni reelectionist Mayor Sixto dela Victoria kung saan wala pang natutukoy na suspect ang mga awtoridad.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang naturang insidente.
Inalis sa pwesto si Police Colonel Reydante Ariza, hepe ng Ormoc City Police, kaugnay ng insidente.