DOJ ibinunyag mayroon pang iba na ‘unreported incidents’ ng kidnapping sa mga Fil-Chinese na nasa PH
Advertisers
TAHASANG inamin ng Department of Justice (DOJ) na mayroon pang iba na ‘unreported incidents’ ng kidnapping sa mga Filipino-Chinese na kasalukuyang nasa bansa.
Ito mismo ang ibinunyag ng naturang kagawaran kasunod ng kanilang pag-iimbestiga sa pagkidnap at pagpaslang sa isang negosyante na si Anson Que.
Kung saan inihayag mismo ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi maitatangging may iba pang kaso ng kidnapping sa mga Filipino-Chinese na hindi pa nalalaman ng publiko.
Ayon kay Remulla, ito’y bunsod ng ‘trust issue’ umano ng ilan sa gobyerno ng bansa kaya’t mas pinili na lamang nila na hindi magsumbong at tuluyang itago ang naganap na insidente.
Agad naman itong tinutulan ng naturang kalihim sapagkat naniniwala si Remulla na kung magpapatuloy ang kawalan ng tiwala ng ilan sa pamahalaan ay magdudulot lamang ito para hindi mabigyan solusyon ang partikular na krimen ng kidnapping.
“There were some unreported incidents actually, many families chose not to cooperate with law enforcement and we only found out na tapos na,” pahayag ni Remulla.
Dahil dito, ibinahagi ni Remulla na plano nilang makipag-ugnayan sa Korte Suprema upang magtalaga ng special court para lamang dito.
Kasabay din nito ang pagtitiyak na kanilang ginagawa na ang lahat masolusyonan lamang ang mga insidente ng kidnapping sa bansa.
Pati ang pakikipagdayologo sa mga Filipino-Chinese ay kanila ring tiniyak sapagkat iginiit ni Remulla na ito’y hindi lamang isang national security issue bagkus aniya’y isa rin itong banta sa ekonomiya ng bansa.