Advertisers
NANGAKO si dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino na isusulong ang kapakanan ng mga barangay tanod at mga barangay health workers (BHWs) kapag nakabalik sa Senado.
Sa kanyang dayalogo kasama ang mga barangay tanod at BHWs ng Naga City noong (Huwebes), sinabi ni Aquino na dapat bigyan ng tamang pagkilala ang mga tanod at BHW na itinuturing na frontliner ng barangay pagdating sa kaayusan at kalusugan.
Ayon kay Aquino, magandang mabigyan sila ng buwanang suweldo, Philhealth coverage, libreng training, at libreng serbisyong legal kapag nagkaroon ng kaso na may kaugnayan sa kanilang tungkulin.
“Panahon na po na bigyan talaga ng tamang halaga ang mga tanod natin at mga tumutulong sa ating barangay,” wika ni Aquino.
“Huwag naman nating tratuhing volunteer. Tratuhin natin talagang nagtatrabaho dito po sa ating barangay,” dagdag pa niya.
Inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 700 o Support for Barangay Workers Act noong 2016 ngunit hindi naaksiyunan ng Senado hanggang sa matapos ang kanyang termino noong 2019.
Kasamang nag-ikot ni Senador Aquino si dating Vice President Leni Robredo, na tumatakbong mayor ng Naga City.