Advertisers
Pinarangalan si Senator Christopher “Bong” Go bilang Most Outstanding Public Servant sa World Class Excellence Japan Awards (WCEJA).
Sa kanyang talumpati sa ginanap na awarding ceremony sa The Heritage Hotel, Manila, pinuri rin ni Go ang mga kapwa awardee at binigyang-diin ang kahalagahan ng tiyaga, sakripisyo, at pakikiramay sa kanilang pagsisikap na makapaglingkod.
“Unang-una, sa lahat ng awardees, congratulations po sa inyong lahat. It is truly an honor to be recognized tonight as the Most Outstanding Public Servant by this prestigious award-giving body. I am deeply humbled by this recognition. Thank you very much,” ani Senator Go.
Sinabi ni Go na may parangal man o wala, naging tungkulin na niya na magsilbi sa Pilipino na sinasamahan niya ng sipag, pagmamalasakit, at higit na serbisyo.
Pinuri niya ang mga nag-organisa ng parangal, partikular ang tagapagtatag at CEO ng WCEJA na si Emma C. Toba, Vice President for Operations Fatima Lajota, Auditor Florie Cawile, at Sec. Vivian Yjares, sa pag-udyok sa public servants at professionals na magsikap sa kanilang maglingkod para sa iba.
Ani Go, napakahalaga ng awards sa pagkilala sa mga indibidwal mula sa iba’t ibang larangan para maipakita ang kanilang talento, passion, at dedikasyon.
Ang World Class Excellence Japan Awards ay isang internasyonal na pagpupugay sa mga world class achievers, pilantropo, at international beauty queens.
Kinikilala nito ang mahuhusay na propesyonal sa paggamit sa kanilang propesyon, gayundin ang mga gumaganap na artista na nagpakita ng mga huwarang kontribusyon upang i-level up ang kanilang mga karera at imahe ng industriya.
Para kay Senator Go, ang parangal ay hindi lamang personal na pagkilala, kundi isang salamin ng sama-samang pagsisikap na ginawa ng mga taong tahimik at taos-pusong nagtatrabaho sa paglilingkod sa iba.
“Mayroon man o wala ang parangal na ito, patuloy akong maglilingkod sa sambayanang Pilipino sa abot ng aking makakaya. Ang puso ko ay laging nasa tunay na serbisyo publiko, tahimik na nagtatrabaho, nakikinig sa ating mga kababayan at tumutugon sa kanilang mga pangangailangan,” pahayag ng Senador.