Advertisers
HALOS isang dekada ang nakalipas, isang ligaw na bala ang tumapos sa pangarap ng 9-anyos na si Lenin Baylon na maging guro matapos masawi sa engkuwentro ng hindi pa nakikilalang armadong lalaki at dalawang hinihinalang sangkot sa droga sa Caloocan City.
Napatay si Lenin noong Disyembre 2, 2016—tatlong araw bago ang kanyang ika-10 kaarawan. Nangyari ito anim na buwan matapos ilunsad ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang madugong kampanya kontra droga.
“Gusto niya ng buhay. Gusto niyang makatapos ng pag-aaral at maging guro para tumulong sa mga batang kapus-palad. Lagi niyang sinasabi na kahit wala na ang nanay niya, siya ang mag-aalaga sa akin,” paggunita ni Rodrigo Baylon, ama ni Lenin.
Muling ginunita ni Rodrigo ang sinapit ng anak matapos makuha ng kanyang pamilya ang tamang death certificate halos sampung taon mula nang mangyari ang insidente.
“Sa wakas, nakamit din namin ang katotohanan. Masaya at malungkot ang puso ko. Dapat sana binata na siya ngayon, 18 na. Kung puwede ko lang siyang buhayin at makausap, sasabihin kong unti-unti na nating nakakamit ang hustisya,” ani Rodrigo.
Dahil sa kawalan ng P16,000 na pambayad sa autopsy fee, napilitan ang pamilya Baylon na pumirma ng waiver na nagsasaad na bronchopneumonia — at hindi tama ng bala — ang sanhi ng kamatayan ni Lenin.
Noong 2019, nagsimulang tumanggap ng tulong legal ang pamilya mula sa Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS) upang habulin ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Lenin.
Noong 2022, kinatigan ng Court of Appeals ang pamilya at kinilala na napilitan si Rodrigo na pumirma ng maling death certificate. Iniutos din ng korte na ito ay itama.
Dalawang taon ang nakalipas mula nang ilabas ang desisyon, natanggap na rin sa wakas ng pamilya Baylon ang tamang dokumento.
Noong napatay si Lenin, si Ronald “Bato” Dela Rosa — ngayo’y senador — ang hepe ng Philippine National Police (PNP) at pangunahing tagapagpatupad ng “Oplan Tokhang” ng gobyerno.
Nang tanungin noon tungkol sa pagkamatay ni Myca Ulpina, isang tatlong taong gulang na batang babae na napatay rin sa operasyon kontra-droga, “Shit happens” lang ang naging tugon ni Dela Rosa.