Advertisers
MAHIGIT 10,000 kapulisan ang ipapakalat sa Metro Manila ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa Holy Week.
Sinabi ni NCRPO director Maj. Gen. Anthony A. Aberin, saklaw ng deployment ng kapulisan ang mga residential at business areas na nangangailangan ng presensiya ng mga ito sa kabuuan ng Holy week break simula sa Miyerkules, Abril 16.
Babantayan din ng kapulisan 24/7 ang mga terminal, pangunahing kakalsadahan at ang mga lugar na inaasahang dadagsahin ng mga ito gaya ng mga simbahan.
Mararamdaman din aniya ang presensiya ng kapulisan sa 300 simbahan kung saan 1,000 kapulisan ang ipapakalat, sa malls at mga business centers ay halos 600 pulis ang itatalaga, sa transport hubs naman halos 400 pulis, at sa pangunahing kakalsadahan ay halos 800 pulis ang inaasahang tutulong na mapangasiwaan ang trapiko at magbigay ng road assistance.
Halos 1,000 pulis naman ang itinalaga para magbantay sa mga parke at recreational spaces at sapat na bilang ng mga pulis naman sa mga pangunahing entry points ng Metro Manila.
Magsasagawa rin ang NCRPO personnel ng mobile at motorcycle patrols at magtatalaga ng mga checkpoints.
Magsasagawa rin ang covert red teams ng masusing security assessments habang nakaalerto naman ang Reactionary Standby Support Force para sa anumang emergency.
Siniguro rin ng NCRPO chief ang mabilis at maayos na pagtugon ng mga kapulisan para sa ligtas, maayos at taimtim na pag-obserba ng Mahal na Araw.