Advertisers
BINUWELTAHAN ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Senadora Imee Marcos na huwag gamitin ang Senado bilang plataporma para sa kanyang political agenda.
Ginawa ni Escudero ang pahayag sa gitna ng ikinakasang imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations ukol sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Escudero, hindi niya hahayaan na magamit ang Senado maging ang kanyang tanggapan sa petty partisan interest, sa propaganda o self-promotion lalo na ng mga kumakandidato ngayong eleksyon.
Pinabulaanan din ng pangulo ng Senado na tumanggi siyang pirmahan ang contempt order laban kay Special Envoy on Transnational Crime Amb. Markus Lacanilao.
Nitong Huwebes, Abril 10, pinatawan ng contempt si Lacanilao dahil sa umano’y hindi pagsasabi ng totoo sa imbestigasyon kaugnay sa pagkakaaresto kay Duterte.
Sinabi ni Escudero, ang lahat ng miyembro ng Senado ay batid na sa ilalim ng rules ng Senado, ang kapangyarihan ng committee chairman na mag-utos ng pag-aresto sa sinumang resource person ay kinakailangan ng lagda ng Senate President.
Tila aniya binalewala ni Marcos ang matagal ng rules na ito kung saan hindi raw otomatiko o minesterial lamang ang pirma dahil lamang sa kanyang kagustuhan.
Kaya naman matapos ang ilang oras na hindi otorisadong pagkakakulong kay ambassador Lacanilao sa Senate detention facility, ipinag-utos ni Escudero na palayain ito bilang ito ang tama at konsiderasyon na rin para sa kanyang lolo na inilibing nitong Biyernes.