Advertisers
IKINALUNGKOT ng Malakanyang ang naging pahayag ni Ms. Honeylet Avanceña, partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, hinggil sa serye ng karahasan sa bansa, partikular ang kasong pagpatay sa negosyanteng si Anson Que.
Ginawa ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang pahayag kasunod ng sarkastikong pahayag ni Avanceña kung saan binati nito ang administrasyon sa mga nagaganap na krimen sa bansa, kabilang ang aniya’y kidnapping at pagpatay.
Ayon kay Castro, lubhang ikinalulungkot ng administrasyon na tila nagiging personal at pulitikal na isyu ang mga seryosong usapin na kinasasangkutan ng buhay ng mga Pilipino.
Pinayuhan ni Castro si Avanceña na huwag gawing isyu ang mga seryosong kaganapan sa bansa.
Giit pa ni Castro, sa halip na manghamak, mas makabubuting magkaisa ang bawat Pilipino upang sama-samang iangat ang bansa.
Kaugnay nito, tiniyak ni Usec. Castro na seryoso ang administrasyon sa pagtugon sa kaso ni Que, isang negosyanteng biktima ng karahasan kung saan nagtatag na aniya ang Philippine National Police (PNP) ang isang Special Investigation Task Force upang masusing imbestigahan ang nasabing insidente.
Maliban dito, bumuwelta rin ang Palasyo kay Avanceña sa pagsasabing hindi rin nito gugustuhing i-congratulate si dating Pangulong Duterte sa mga nagawang EJK, dahil buhay aniya ang pinag-uusapan dito. (Gilbert Perdez)