Advertisers
NAGPALIWANAG ang Malakanyang kung bakit vineto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang nagbibigay ng Filipino citizenship sa Chinese national na si Li Duan Wang matapos ang matinding babala mula sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Sa kanyang veto message, iginiit ng Pangulo ang hindi niya pagsang-ayon sa panukala dahil sa aniya’y nakababahalang impormasyon hinggil sa pagkatao at impluwensiya ni Wang.
Dagdag pa ng Pangulo, ang pagsawalang-bahala sa mga babalang ito ay maituturing na pagtalikod sa tungkulin ng pamahalaan sa taumbayan.
Si Wang, na kilala bilang Mark Ong, ay iniuugnay sa POGO operations sa bansa.
Giit ni PBBM, ang Filipino citizenship ay isang pribilehiyo at hindi ipinamimigay nang basta-basta habang hindi rin aniya ito dapat gawing kasangkapan upang pagbigyan ang pagsulong ng mga kaduda-dudang interes.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni PCO Usec. Claire Castro na binanggit din ng Chief Executive na ang pagbibigay ng citizenship ay hindi lamang simpleng legalidad kundi pagbubukas ng pinto ng buong pagkakakilanlan ng sambayanang Pilipino. (Gilbert Perdez)