Advertisers

Advertisers

Mayor Abby, Oks kay Congw. Pammy ng Taguig

0 13

Advertisers

Nakuha ni senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay ang opisyal na pag-endorso ni Taguig 2nd District Rep. Pammy Zamora sa isang barangay caucus para sa mga residente ng East Rembo at Cembo nitong Huwebes ng gabi.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Mayor Binay sa mga taga-East Rembo at Cembo na hindi siya titigil sa pagtatanggol sa EMBO barangays hanggang sa Senado.

Kabilang ang Cembo at East Rembo sa 10 barangay na dating bahagi ng Makati pero nailipat sa ilalim ng Taguig matapos ang desisyon ng Korte Suprema noong 2023.



Naglabas ng hinaing ang ilang taga-EMBO na hindi na nila natatanggap ang dating mga serbisyo sa kalusugan at edukasyon mula sa Makati dahil anila’y hindi naman ito naipagpatuloy ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

Bilang tugon, simula pa noong nakaraang taon ay binigyan na sila ni Binay ng access sa libreng konsultasyon at may subsidy rin sila sa mga serbisyong medikal sa Ospital ng Makati.

Pinalawig pa ng alkalde ang operating hours ng piling health centers sa Makati para matugunan ang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan at ang lahat ng ito ay libre.

Binuksan din ni Binay para sa mga taga-EMBO at iba pang di-residente ang Lingkod Bayan Caravan na ginagawa linggo-linggo at dito’y may libreng checkup, X-ray, ECG, FBS, blood typing, libreng gamot, at iba pang serbisyo.

Lubos na ikinatuwa ni Binay ang suporta mula kay Congw. Zamora na tinawag niyang “kinakapatid.”



“Kaya ngayon may lakas ng loob po akong humarap sa inyo dahil magiging kasama, kasangga, kaibigan po natin, at kailangan po na may counterpart ako sa Kongreso – ang isang Pammy Zamora,” aniya.

Nangako si Binay na dadalhin niya sa buong bansa ang mga pangunahing programa na kanyang sinimulan sa Makati tulad ng libreng maintenance medicine, unlimited at libreng dialysis at chemotherapy, at mas pinaigting na early childhood education.

Isa rin sa mga isusulong niya sa Senado ang pagtanggal ng buwis sa bonuses at overtime pay ng mga empleyado sa gobyerno at pribadong sektor.