Advertisers
SINISI ng mga residente ang talamak na dredging o black sand mining na isa sa mga dahilan na dinaranas na “worst flood” o pinakamasamang baha sa Occidental at Oriental Mindoro.
Ayon sa mga residente sobrang talamak ngayon ang ginagawang dredging kuno na ang pakay ay blacksand mining sa nabanggit na mga probinsya kaya hindi na nakapagtataka ang nararanasang epekto nito.
Sinabi ng mga residente na walang dapat sisihin sa mga nangyayaring baha ngayon kundi ang Provincial Government at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbigay ng pahintulot sa “dredging operation” kapalit umano ang limpak-limpak na malaking halaga.
Sinabi ng mga nagrereklamo na matagal nang ipinanawagan ng mga mangingisda ang ‘dredging kuno’ sa mga baybaying dagat at dalampasigan ng bayan ng Baco, Naujan Oriental Mindoro at Occidental Mindoro ngunit hindi ito binibigyang pansin.
Hiniling nila sa pitak na ito na dapat magkaroon ng batas para tuluyang ipagbawal ang “dredging kuno” at paghahakot ng tone-toneladang buhangin o black sand na dinadala umano sa China at iba pang bansa.
Ang black sand ay itinuturing na legal kapag naisyuhan ng permit dahil wala pang batas na nagbabawal dito.
Tanging ang limitasyon sa Mining Act na hindi dapat gawin ang dredging sa reservoirs at protective areas.
Dahil sa epekto nito sa kalikasan, naghigpit ang Mines and Geosciences Bureau sa pag-iisyu ng permit.
Inamin din ng ilang residente na marami silang nakikitang Chinese vessels na nagsasagawa ng dredging at naghahakot ng tone-toneladang buhangin o blacksand sa mga baybaying dagat sa nabanggit na mga lugar na dinadala umano sa China, Manila bay at iba pang lugar na pinatutuhanan ng isang alkalde sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Ibinunyag din ng mgavresidente na mismong mga kawani ng LGUs ang kanilang nakikitang nagbabantay sa mga Chinese vessels na nagde-dredging.
Sinasabing nasa $50 milyon o P2.6 bilyon kada buwan ang diumanoy kinikita ng mga contractor sa buhangin o Black sand mining sa nasabing mga probinsya.
Ang black sand ay ginagamit na stabilizer sa concrete at steel products gayondin sa mga alahas at cosmetics manufacturing.
Ang China at Hong Kong sa mga bansang may malaking pangangailangan sa black sand.
Bagamat malaki ang kita sa black sand ay malaki naman ang epekto nito sa kalikasan pangunahin sa pagkawala ng fishery resources, erosion ng lupa, at pagbaha, kaya sa inihaing Senate Bill 1075 ng nooy Senadora Leila de Lima, hinihiling niya ang total ban sa black sand mining.
Una nang ibinabala ng dating senator na maaaring malubog sa baha sa bilang epekto ng dredging o black sand mining kung hindi ito tuluyang matigil.
Sa mga nakalipas na taon ay nakapagsagawa na ang Kamara at Senado ng imbestigasyon ukol sa Black Sand Mining noon sa lalawigan ng Cagayan ngunit wala naman naparusahan dito.
Apela ng mga residente sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez, isama sa kanilang ginagawang House Inquiry ang dahilan ng ‘massive flooding’ o malaking baha na naranasan ng mga nagdaang bagyo ang usapin sa mining at black sand mining.
Giit ng mga mindoreños, kung hindi isasama ang illegal na black sand mining sa imbestigasyon ng Kamara, mababalewala lamang at lalabas na moro-moro ang house inquiry dahil hindi mareresolba ang ugat ng problema sa Occidental at Oriental Mindoro.
Subaybayan natin ito!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa balyador69@gmail.com