Advertisers
IPINAUUBAYA na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng polvoron video kung saan pinalalabas na gumagamit siya ng iligal na droga.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, batid ni Pangulong Marcos ang patungkol sa isyu dahil inimbestigahan na ito at napatunayang ginamitan ito ng face swap batay sa deep fake analysis unit na nakabase sa India.
Hindi na rin aniya bago sa Palasyo ang isyu na si Atty. Harry Roque ang nasa likod nito dahil dati na itong lumabas sa isang rally sa Canada na isiniwalat rin sa isang vlogger.
Giit ni Castro, sakaling mapatunayan na si Roque ang mastermind sa pagpapakalat ng video, sasampahan ito ng nararapat na kaso.
Magugunitang muling lumutang ang manipulated video sa pagdinig ng Tricom ng Kamara kung saan ibinunyag ng isang vlogger na si Roque ang nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng video. (Vanz Fernandez)