Advertisers
SINAMPAHAN ng kasong ‘graft’ sa Office of the Ombudsman si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval kaugnay ng P139 milyong kontrata sa basura mula sa pribadong kompanyang hindi naman ginawa ang kanilang obligasyon.
Batay sa demanda ni Editha Nadarisay, residente ng Malabon, bago pa siya nagsampa ng kaso, siya at ang mga residente ay nagpadala ng open letter kay Sandoval dahil sa pagtambak ng basura sa kanilang paligid sa matagal na panahon, na naging sanhi ng pagkakasakit ng kanilang mga anak subalit hindi inaksiyunan ng alkalde.
Sinabi pa ni Nadarisay at ng Alliance of Concerned Citizens of Santulan na naging pabaya ang garbage contractor ng alkalde na Metro Waste Solid Managament Group sa kanilang obligasyon dahil ang mga basura ay hindi naman hinahakot kaya maraming bangaw sa kanilang komunidad at nagkakasakit ang mga bata’t senior citizens.
Bukod sa maanomalyang kontrata, sinabi rin ng complainant na wala ring permit ang kontraktor mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lalong naging kuwestiyunable ang kapasidad nito na gumanap sa kanilang tungkulin.
Ayon pa sa nagdemanda, mula nang maupo si Sandoval noong 2022 ay kinuha na nito ang serbisyo ng Metro Waste at muli pang nag-renew ng kontrata noong 2024 sa halagang mahigit P139 milyon subalit wala namang naging pagbabago sa problema sa basura ng lungsod.
Matagal na umano silang nagrereklamo sa pagtambak ng basura sa bawat eskinita at mga kalsada ng Malabon subalit walang naging aksyon ang City Environmental and Natural Resources Office (Cenro) ng Malabon na direktang nasa tanggapan ng alkalde.
Bukod sa hindi pagpapatupad ni Sandoval ng kalinisan para sa Malabon ay lumabag din ito sa Graft and Corrupt Practices Act base sa Republic Act 3019 at Solid Waste Management Act of 2000 dahil sa halos sobrang pagbabayad sa kanilang pinagkatiwalaang kontraktor ng basura na wala namang naging serbisyo para sa mga mamamayan ng lungsod.