Advertisers
Mabait talaga ang Diyos.
Sa gitna ng walang humpay na paninira kay Mayor Honey ay patuloy naman ang dating ng pagpapala dito.
Hindi nakagugulat kung kelan lamang ay lumabas sa survey ng Tangere na ikatlo lang naman si Manila Mayor Honey Lacuna mga pinaka-pinagkakatiwalaang lider sa buong Metro Manila, mula sa hanay ng mga alkalde.
Lehitimo ito dahil walang kinalaman si Mayor Honey sa nasabing survey at paglabas ng resulta nito.
Sa pinakahuling survey na isinagawa ng Tangere mula April 2 hanggang April 4, 2025 pumangatlo si Mayor Honey kina Pasig Mayor Vico Sotto na nakakuha ng 95 percent satisfaction at trust ratings at Quezon City Mayor Joy Belmonte na may 81 percent satisfaction at 82 percent trust rating.
Bagamat pangatlo, dikit naman ang ratings na nakuha ni Mayor Honey kay Belmonte, na 80 percent satisfaction rating at 81 percent trust rating.
Ang mataas na ratings ni Mayor Honey ay ibinatay sa kanyang mga naitatag na repormang pangkalusugan, pagpapakalat ng libreng dialysis treatment at maghapon at magdamag na serbisyong pang-emergency sa buong lungsod. Binigyang-diin din sa survey na pabor ang mga mamamayan sa mga alkalde na nagpapakita ng katapatan at pananagutan sa kanilang mga kilos.
Gaya ng dati ay buong pagpapakumbabang sinabi ni Mayor Honey na gagamitin niya ang pagkilala bilang inspirasyon upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng pinakamaigeng serbisyo sa mga residente ng Maynila, dahil ito umano ang nararapat para sa kanila, kasabay ng pagtitiyak na palalawigin at pagagandahin pa ito sa susunod niyang termino.
Gaya rin ng dati, hindi sinolo ni Mayor Honey ang kredito dahil pinasalamatan niya lahat ng opisyal at kawani ng Manila City Hall na aniya ay tuloy-tuloy ang pagtulong sa kanyang administrasyon, dahilan upang makakuha ang pamahalaang-lokal ng napakaraming parangal at pagkilala kasama na nga ang mataas na ratings sa Tangere.
Bago niyan ay nasungkit naman ni Mayor Honey ang kauna-unahang Seal of Good Local Governance (SGLG) sa kasaysayan ng Maynila.
Dahil diyan, hindi lamang gumawa ng kasaysayan si Lacuna bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila, kungdi siya ay nakapagtala din ng rekord bilang tangi at kauna-unahang alkalde na tumanggap ng SGLG. Ang pagkilalang ito ay hindi ibibigay kay Mayor Honey kung hindi siya nakitaan ng galing sa pamamahala sa lungsod, lalo na sa paghawak ng pondo ng bayan.
Kundi ba naman, imbes na pondo ay utang na P17.8 bilyon ang iniwan sa kanya ni Isko Moreno.
Sa kabila niyan ay hindi nagpagapi si Mayor Honey dahil sininop niya ang pondo ng lungsod para makapagpatupad ng mga programa lalo na para sa mahihirap, senior citizens. mga mag-aaral, solo parents, PWDs at iba pa. Nagawa pa niyang makapagbayad ng P3.2 bilyon para sa utang na iniwan ni Isko.
Dahil sa utang na ‘yan, lumalabas na bawat isang taga-Maynila ay may kargang pagkakautang na P9,639.79. Kasama na riyan ang mga nasa sinapupunan pa lang hanggang sa pinakamatatanda.
Tapos kung siraan siya, ganun na lamang.
Kelan lamang ay dumalo ang inyong lingkod sa isang ‘Ugnayan’ ni Mayor Honey sa punumpunong sports complex ng San Andres at doon ko nakita ang sobrang init na pagtanggap sa kanya ng mga mamamayang taga-Maynila.
Nagawa niyang linawin ang maraming imbentong isyu na ibinabato sa kanya nang hindi niya kailangang maging bastos o maghabi ng kasinungalingan. Ramdam ng lahat ng naroon ang sinseridad ng alkalde habang lahat ay matamang nakikinig at may nakita pa kong lumuluha dahil naantig sa kuwento ng pagsaksak sa tinatawag na ‘Ate Honey’ na mistulang tinarakan sa dibdib at tumagos hanggang likuran.
Ganun naman talaga. Ang kataksilan ay maari lamang manggaling sa isang tao na iyong pinagkatiwalaan at minahal. Ano ang leksyon dito? Kung kay Mayor Honey ay kaya itong gawin, paano pa kaya sa ating lahat???
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.