Advertisers
Kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Kagitingan, binigyang-pugay ni Senator Christopher “Bong” Go ang katapangan at sakripisyo ng overseas Filipino worker (OFWs) at healthcare workers (HCWs), bilang mga modernong bayani ngayong panahon.
Binigyang-diin ng senador ang walang hanggang diwa ng paglilingkod at sakripisyo na kinakatawan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa kabila ng mga hanggahan ng bansa at sa loob ng pinakamahina nitong komunidad.
“Ang kagitingan ngayon ay hindi na lamang nasusukat sa mga laban sa digmaan. Makikita rin ito sa mga OFW na tinitiis ang lungkot at pagod para lang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya, at sa mga health workers na walang pag-aalinlangang sumuong sa panganib noong pandemya at hanggang ngayon upang protektahan ang buhay ng kapwa Pilipino.”
Sinamantala ni Go, pinuno ng Senate committee on health at nagsisilbing vice-chair ng Senate committee on migrant workers, ang pagkilala sa araw-araw na kabayanihan ng OFWs na nagbibigay ng katatagan ng ekonomiya ng bansa at ng HCWs na nagdala ng bigat ng COVID-19 pandemic.
Si Go ay palaging nakasuporta sa OFWs sa pamamagitan ng kanyang legislative track records. Isa siya sa nag-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641 na nilagdaan bilang batas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 2021 para malikha ang Department of Migrant Workers (DMW).
Para naman matugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng OFWs, inihain din ni Go ang Senate Bill No. 2297, na naglalayong gawing institusyonal ang OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga. Ang ospital ay nagsisilbing permanenteng pasilidad para sa OFWs at kanilang dependents.
Pinagtibay rin ng senador ang kanyang pagiging health reforms crusader, sa pag-akda at co-sponsorship ng RA 11712, na nagbigay ng Health Emergency Allowances (HEA) sa healthcare workers na nagsilbi sa panahon ng public health emergency.
“Hindi pwedeng balewalain ang naitulong nila noong pinakakailangan natin sila. Ipinaglaban natin ang batas na ito kaya dapat siguraduhin nating maramdaman din nila ang benepisyo,” idiniin ni Go.
Napakahalaga din aniya ng papel ng barangay health worker (BHWs) sa paghahatid ng kalusugan ng komunidad kaya isinulong niya ang SBN 2838, o ang Magna Carta for Barangay Health Workers. Nais niya na mai-institutionalize ang karapatan, benepisyo, at kapakanan ng BHWs bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa grassroots healthcare.
“Ang Araw ng Kagitingan ay paalala na bawat Pilipinong nagsasakripisyo para sa kapwa, para sa bayan, ay isang bayani. Hindi man sila makikita sa mga pahina ng kasaysayan, ramdam natin ang kabayanihan nila araw-araw,” idiniin ng senador.