Advertisers

Advertisers

Bawat proyekto ni Speaker Romualdez nauuwi sa kontrobersya

0 5,124

Advertisers

ANO nga ba ang meron kay House Speaker Martin Romualdez at parang bawat proyektong kanyang isinusulong ay nauuwi sa kontrobersya, at kadalasan ay nauunsyami?

Sabi ng ibang alaskador sa pulitika, kung may “Midas touch” (lahat ng hawakan ay nagiging ginto), kabaliktaran naman ang kay Speaker Romualdez, at ito’y ang “Sadim touch” (lahat ng hawakan ay nagiging etyas). Hehehe…

Simulan natin sa isyu ng ‘Charter Change’. Isinulong ito ni Speaker Romualdez sa ngalan ng “pagpapalago ng ekonomiya.” Hindi na ito bago dahil isinulong din ito ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang pagkakaiba lang, may masusing pag-aaral at konsultasyon noon. Sa bersyon ni Romualdez, nauwi ito sa ‘People’s Initiative’ na sinasabi ng kanyang mga kritiko na ginamit ang pondo ng gobyerno para sa pamimigay ng pera kapalit ng mga pirma ng mga mamamayan. Umingay tuloy ang mga alegasyon ng pananamantala at manipulasyon.



Hindi rin ligtas sa batikos ang isang legislative priority ni Romualdez – ang Maharlika Fund – na mariing tinutulan ng mga business group. Ayon sa kanila, hindi napapanahon at hindi angkop ang ganitong investment vehicle, lalo na’t may kinakaharap na fiscal deficit at tumitinding utang ang bansa. Ngunit itinulak parin ito ni Speaker. Tsk tsk tsk…

Kasunod nito ay ang pagpasa ng 2025 National Budget, na may nagsasabi na “pinaka-corrupt sa lahat ng naipasang budget ng lehislatura.” Marami umanong insertions, kabilang na ang pet project ng Speaker na ‘AKAP’. Marami ang pumupuna rito dahil tila ginawang instrumento ang social service na ito para sa pansariling interes o pamumulitika.

Ngayon naman, may mga bulung-bulungan na kinakausap na raw ni Speaker si Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate Tito Sotto para tukurang maging Senate President sa susunod na Kongreso. Hindi na ito nakakagulat, lalo’t si Speaker ang pangunahing tagapagsulong sa House ng impeachment ni Vice President Sara Duterte at gusto niyang maka-tandem dito si “Tito Sen” sa Senado.

Naisampa na sa Senado ang kaso, ito’y last-minute na inaprubahan ng Kamara bago ang adjournment na isang galaw na tila sinadya para itali ang kamay ng Mataas na Kapulungan. Dahil dito’y nalagay sa alanganin ang maraming senador.

Magpapagamit ba si Tito Sen kay Speaker? Kahit paano’y may maayos na track record si Tito Sotto ngunit maaaring mabahiran ang kanyang pangalan kung papayag siya sa bagong galaw ni Speaker Martin Romualdez, na isa na namang galaw na posibleng mabalot uli ng tanong at kontrobersya. Mismo!



***

Naglabas ng memorandum ang Civil Service Commission (CSC) na nagbabawal sa government officials at mga empleyado sa paglahok sa mga partisan political activity, kabilang ang pag-like at pag-share sa iba, social media posts sa panahon nitong kampanya para sa May 12 election.

Kabaliktaran naman ito sa pahayag ng Comelec na maaring sumama sa kampanya ng mga kandidatong sinusuportahan ang barangay officials basta’t tapos na ang duty nito, ayon sa Supreme Court ruling.

Ang bawal lang daw sa barangay ay ang paggamit sa resources nito.

***

30 days nalang para sa eleksyon. Maghahalal uli tayo ng mga opisyal na mamamahala sa gobiernong lokal para sa sunod na tatlong taon. ‘Wag natin sayangin ang kapangyarihang ito na ibinigay ng ating Saligang Batas. Maghalal ng tama!!!