Advertisers
UNTI-UNTING winawasak ang imprastraktura ng impluwensya ni Gongdi Nagsimula ito noong nakaraang taon nang ilunsad ang operasyon kontra mga kumpanyang POGO na itinayo ng mga Intsik sa bansa. Nagsilbi sila na palabigasan ng pamilya ni Gongdi at labis na nakinabang kahit ang isang alalay na tulad ni Harry Roque.
Maraming POGO ang naisara dahil ilegal ang kanilang operasyon. Mistulang mga dagang pusali na nagtatago ang mga POGO. Hindi normal ang kanilang operasyon at kagyat itinatapon sa labas ng bansa ang kanilang mga empleyadong banyaga.
Totoong nalinis ang mga POGO sa bansa. Hindi na sila makatulong sa mga kandidato ni Gongdi sa halalan. Hindi kami sigurado kung mananalo ang mga pulitikong sumusuporta kay Gongdi. Mistula silang isinumpa sa bansa habang nililinis ang natitirang impluwensya ng mga POGO. Nakuhang linisin ng bansa ang POGO sa loob ng isang buwan.
Ngayong taon, winawasak ang imprastraktura ni Gongdi sa impormasyon lalo na ang mga fake news (huwad na balita) na halos sumamba kay Gongdi. Hindi polisiya ng gobyerno ni BBM ang pagsasampa ng sakdal sa mga vlogger, o content creator, na ang simpatiya ay kay Gongdi. Ngunit ganoon na ang nagyayari ngayon. Hindi nangingiming isakdal ang mga vlogger ni Gongdi at totoong defensive na sila. Bistado ang kanilang mga baraha at mistulang binusalan ang kanilang mga bibig pagkatapos magsabog sila ng mga kasinungalingan. Nariyan si Maj. Gen. Nicolas Torre, ang kasalukuyang hepe ng CIDG ng PNP, na nagsampa ng reklamo sa ilang vlogger ni Gongdi na nagkalat ng kung ano-anong lagim. Hindi namin babanggitin ang kanilang pangalan dahil sisikat lang sila ng wala sa lugar.
Ngayon, masusing tinatalakay ng Trilateral Committee, or Tricom, sa Camara de Representante ang pangangailangan ng batas upang mabawasan ang paglaganap ng mga huwad na balita na pinaghinalaan na nanggaling sa kampo ni Gongdi.
Kilala na ang mga vlogger, o content creator, na gumagawa at nagpapalaganap ng mga fake news. Hindi na namin babanggitin dahil wala kaming plano na pasikatin pa sila. Ang kanilang network ang wawasakin upang hindi na sila ganap na makakapinsala.
***
WASAK ang operasyon ng mga kumpanyang POGO at wawasakin na rin ang network ng mga vlogger na ang tanging gawa ay magkalat ng huwad na balita. Maski ang pamilya ni Gongdi ay wawasakin at uubusin upang hindi sila makapaminsala sa pulitika.
Nandoon na sa piitan ng International Criminal Court (ICC) si Gongdi at makakaasa ang bansa na mananatili siya sa piitan sa Scheveningen, The Netherlands sa susunod na tatlo hanggang limang taon. Maaaring doon na siya mamamatay. Dahil walang pera na lumalabas mula kay Gongdi, madudurog ang mga kandidato ng PDP-Laban sa susunod na halalan. Nawa’y hindi mananalo si Bato, Polong, at Baste.
Ang susunod na operasyon ay sa Senado. Naglalayag mag-isa si Bong Go at hindi niya nais na makilala bilang kasama sa kandidato ng PDP-Laban. Hindi naglalabas ng pera si Bong Go dahil walang bilin sa kanya si Gongdi. Ang susunod na proyekto ay si Chiz Escudero na kasalukyang nagbibigay ng proteksyon kay Sara. Nais kunin ni Chiz ang mga supporter ni Gongdi na mistulang mga ulila dahil kahit si Sara ay hindi nakakasiguro sa kanyang kapalaran sa Senado.
Haharapin ni Sara ang paglilitis ng Senado. Wala siyang magagawa kundi idepensa ang sarili. Malaki ang posibilidad na matangal siya sa puwesto bilang pangalawang pangulo. Kung mangyari iyan, hindi na siya makakatakbo sa 2028. Ubos ang mga Duterte ngayong taon na ito. Hindi na sila makakapayagpag sa bansa.
***
HINDI biro ang impluwensya ng mga vloggers na nagpalaganap ng mga huwad na balita sa buong mundo. Nakita natin kung paano kumilos ang mga tagasuporta ni Gongdi ng dakpin siya at dalhin sa piitan sa The Hague. Hindi sila marami pero maingay kahit labis na baluktot ang kanilang katwiran.
Ipinakita ng gobyerno ni BBM ang kababaang loob ng magtrabaho ito upang makaligtas sa mahabang kulong ang 17 Pinoy na hinuli sa Qatar matapos dakpin sila sa kilos protesta upang suportahan ang pagkakakulong ni Gongdi. Hindi nagpasalamat ang mga 17 Pinoy at galit pa kahit pinalaya na sila. Nakakatawa na nakakainis. Pero ganyan talaga ang pulitika.
***
Email:bootsfra@yahoo.com