Advertisers
WALANG matwid na manatili si Tsis bilang Senate president. Dapat sibakin siya at palitan ng senador na walang pagkiling sa pamilya ni Gongdi at Misfit Sara. Ang problema lang ay kung sino. Sa ganang amin, walang kuwalipikado. Hindi namin alam kung may kwalipikado sa mga papasok na bagong senador sa ika-30 ng Hunyo.
Tanging si Tito Sotto ang maaaring ipalit kay Tsis na kasalukuyang nawawala sa hulog. Hindi si Joel Villanueva na naunang nagtangkang humarang a impeachment trial ni Misfit Sara. Naging Senate president si Tito noong panahon ni Gongdi. Hindi siya bago sa puwestong iyan. Walang saysay ang mga batikos kay Tsis kung hindi natin kilala ang maaaring ipalit sa kanya. Bilang tugon sa pangamba, maiging muling banggitin si Tito Sotto.
Ang papel na dapat gampanan ni Tsis ay pulungin ang Senado bilang isang impeachment court at ilatag kasama ang mga kasaping-senador ang mga alituntunin at gabay sa isang malaya, bukas, at walang kinikilingang paglilitis kay Misfit Sara. Hindi kailangan na si Tsis ang maging presiding officer sa paglilitis ng pangalawang pangulo.
Maiging ibigay ng Senado sa isang hindi senador ang pagiging presiding officer. Sa aming pakiwari, maaaring ihalal si Chief Justice Alex Gesmundo bilang presiding officer sa impeachment trial ni Misfit Sara. Paraan ito upang maiwasan ang labis na pulitika sa proseso. Kung ang Punong Mahistrado ang mauupong presiding officer, paraan ito upang mas patas ang paglilitis kay Misfit Sara.
Umuwi na umano si Misfit Sara, ayon sa mga balita. Mas walang katwiran si Tsis na ipagdamot sa sambayanan ang maagas paglilitis kay Misfit Sara na batay sa probisyong ng Saligang Batas. Iginiit natin ang pagpapatupad ng Saligang Batas hinggil sa impeachment trial ng mga impeachable official. Huwag tayong maniwala sa mga sinasabi ni Tsis na baligtad sa Konstitusyon.
***
MUKHANG kawawa si Gongdi sa mga pahayag niya mula sa kulungan ng ICC sa Scheveningen sa The Netherlands. Dati, labis na maangas si Gongdi sa mga salitang mula sa kanyang bibig. Ngayon, mistulang maamong tupa si Gongdi at nawala ang taray at mapangutyang salita mula sa kanyang bastos na bunganga. Halos magmakaawa at totoong nagsusumamo sa mga salita niya ngayon. Wala pa siyang isang buwan sa piitan ng ICC.
Ang buong akala ni Gongdi ay madali niyang malulusutan ang sakdal sa kanya. Ang totoo ay wala na siya sa poder at kahit mayroon siyang limpak-limpak na salaping nadambong, hindi madali na gamitin iyon upang bilhin ang mga taga-ICC. Ang totoo ay tatagal pa siya doon. Hindi kagalingan ang kanyang nakuhang pinuno ng defense team na haharap sa sakdal. Sa ganang amin, overrated si Nicholas Kaufman.
Kailangan ihanda ni Gongdi ang sarili at mga tagasuporta sa mahaba-habang panahon s kulungan. Kung hindi makakuha si Kaufman ng interim liberty, maaaring tumagal ng mula dalawa hanggang walong taon sa bilibid. Maaaring doon na siya mamamatay. Bawal ang lubid sa piitan ng ICC. Iniiwasan ang pagpapatiwakal doon.
***
HINDI namin alam kung nababahala ang mga economic manager ng Filipinas sa mga galawang taripa ni Donald Trump. Sadyang ginugulo ni Trump ang mundo dahil sa pagbabago ng mga taripang ipinapatay ng kanyang administrasyong sa mga kalakal na galling sa ibang bansa. Umaangal ang lahat halos na bansa sa buong mundo.
Ang teorya namin ay hindi masyadong tagumpay ang pagpapaunlad ng export development ng Filipinas. Hindi masyadong malaki ang iniluluwas na produkto ng Filipinas papasok sa Estados Unidos. Hindi export economy ang Filipinas kung ihahambing sa ibang bansa na umalma sa ginawa ni Trump. Service economy ang Filipinas at ang kanyang manpower ang pangunahing nagpapagalaw sa pambansang kabuhayan.
***
TULOY TULOY ang kampanya ni Sonny Trillanes. Nararamdaman ang paglakas ng kanyang kandidatura sa pagka-alkalde ng Caloocan City. Nagsasanib ang democratic forces sa Caloocan City upang gumawa ng kanilang people power na magdadala kay Trillanes sa City Hall sa Mayo 12. Samantala, hndi kumikilos ang kampanya ni Along Malapitan.
Kung sakaling mananalo si Trillanes, dalawa sila ni Vico Sotto, ang alkalde ng Pasig City na tumatakbo sa pangatlong termino, ang masasabi na kabilang sa puwersang demokratiko ng bansa na hahawak ng sensitibong poder sa LGU. Isa sa mga malalaking dahilan kung bakit humihina ang kandidatura ni Along ay dahil na rin sa kakulangan ng kanyang administrasyon na pangasiwaan ng maayos ang siyudad. Balot sa anomalya ang kanyang pamamahala. Isusulat naming ang mga iyan sa ibang araw. Teaser lang muna ngayon.