Advertisers
CABANATUAN, Nueva Ecija — Pinangunahan ni dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang isang dayalogo kasama ang mga magsasaka, Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), at Magsasaka Partylist nitong Martes upang pakinggan ang mga hinaing ng mga magsasaka at humanap ng praktikal na solusyon sa kanilang mga suliranin.
“Importante sa isang bansa ang mayroong pagkain at ang nagpapakain sa ating bansa ay kayong mga magsasaka. Kaya dapat lamang na makinig at pakinggan ang mga problema at isa-isahin natin kung paano ito masosolusyunan,” pahayag ni Abalos sa mga nagtipong magsasaka.
Para kay Abalos, simple lamang ang solusyon: bigyang kapangyarihan ang NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka sa tamang presyo at ibenta ito agad. Aniya, hinahadlangan ng kasalukuyang Rice Tariffication Law ang kakayahan ng NFA na suportahan nang epektibo ang mga lokal na magsasaka.
Paliwanag ni Abalos, nililimitahan ng Rice Tariffication Law o Republic Act 11203 ang papel ng NFA sa pag-maintain lamang ng emergency buffer stocks. Ang limitasyong ito, ayon sa kanya, ay nagpapahina sa kakayahan ng ahensya na tulungan ang sektor ng agrikultura nang mas maayos.
Mas malala pa, aniya, ginagamit ng mga profiteers ang kasalukuyang sistema upang manipulahin ang presyo ng bigas. “Ang mali rito ay ang mga nagpapamanipula ng presyo ng bigas. Hindi iyon tama,” diin ni Abalos.
Binigyang-diin niya na ang pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA na bumili ng bigas sa tamang presyo at ipamahagi ito nang direkta sa publiko ay mahalaga upang masiguro ang seguridad at abot-kayang presyo ng pagkain.
“Kailangan amyendahan ang Rice Tariffication Law. Ang NFA ay dapat may kapangyarihan na bumili ng palay mula sa mga magsasaka at ibenta ito nang regular sa publiko. Makakatamdan lamang ang food sustainability at security kung susuportahan natin ang ating mga magsasaka,” ani Abalos.
Ibinahagi rin niya ang karanasan noong may kapangyarihan pa ang NFA na bumili at magbenta ng bigas. “Noong may kapangyarihan ang NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka at ibenta ito agad sa merkado, hindi ba’t abot-kaya ang presyo ng NFA rice? Iyan ang gusto nating ibalik kaya kailangang amyendahan ang RTL,” dagdag niya.
Nangako rin si Abalos na ipagpapatuloy ang kanyang pagsusumikap na amyendahan ang Rice Tariffication Law sakaling siya ay mahalal sa Senado.
“Itong araw na ito, huwag kayong mag-alala, alam ko po galing pa kayo sa malayong lugar, pero itong araw na ito ay nagkaisa itong grupo ng mga magsasaka at ang grupo ng gobyerno – ang DA at NFA. Ako naman kung ano ang maitutulong ko dahil iyan ang aking adbokasiya. Kung papalarin akong maging senador, itutuloy ko ang laban sa Senado,” ani Abalos.
Kabilang sa mga iminungkahing pagbabago na suportado ni Abalos ay ang pagbili ng milled rice mula sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at Local Government Units (LGUs) na may mga rice processing centers.
Nagpahayag din ng suporta si dating Agriculture Secretary Leony Montemayor sa adbokasiya ni Abalos.
“Kami po ay kasama po ninyo sa aming mga hangarin lalo na po sa pagbabago ng mga sistema ng ating mga palayan lalo na po at kasama natin si Secretary Abalos. Magtutulungan po tayo nang husto para yung mga dapat baguhin sa RTL,” ani Montemayor.
Pinuri rin ni Attorney Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist si Abalos dahil sa pakikipagdayalogo nang direkta sa mga magsasaka.
“Ang mga magsasaka ay naghahanap ng kakampi hindi lang sa Kongreso kundi lalo na sa Senado. Hindi namin makita ang sinuman na gustong harapin ang mga magsasaka at bumaba rito. Kaya naman nagpapasalamat kami na dumalo si Secretary Abalos sa dayalogo na ito,” pahayag ni Cabatbat.